Operasyong kombat ng AFP sa Aurora, binibigo ng BHB at masang magsasaka

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Binibigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng masang magsasaka sa mga bayan ng Maria Aurora at Dipaculao sa Aurora ang walang-tigil na focused military operation ng 91st IB at 84th IB simula pa noong Mayo. Hindi bababa sa pitong tropa ng militar ang napaslang habang dalawang iba pa ang nasugatan sa tatlong magkakasunod na engkwentro nito sa hukbong bayan.

Naganap ang unang engkwentro sa Barangay Toytoyan, Dipaculao noong Mayo 20, sinundan ng labanan sa Barangay Salay, Dipaculao noong Mayo 21 at isa pa noong Mayo 28 sa Barangay Bazal, Maria Aurora. Militanteng lumaban ang hukbong bayan at ligtas na nakapagmaniobra.

Labis-labis na pwersang militar ang ibinubuhos ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa dalawang bayan para tugisin ang sinasabi nilang “mangilan-ngilan” na lamang na mga mandirigma ng BHB. Gumagamit ang AFP ng mga helikopter, drone at iba pang superyor na armas para sa mga operasyong kombat nito.

Noong Mayo 20-21, dalawang helikopter ang ginamit ng 91st IB sa pag-iikot-ikot sa anim na barangay sa Dipaculao. Kasunod nitong inikutan ang tatlong barangay sa Maria Aurora kung saan naghulog sila ng mga bomba sa mga bukid. Dagdag dito, nagpaulan ng bala ang 91st IB. Naiulat ang pagkamatay ng isang kabataan dahil dito.

“Sa halip na ituon ang pondo ng bayan sa pagbibigay ng de kalidad na serbisyong publiko, naglulustay ang AFP ng milyon-milyong pondo sa tuluy-tuloy na mga operasyong kombat,” pahayag ng BHB-Aurora.

Labis na dislokasyon at terorismo ang inihahatid ng mga operasyong ito ng AFP sa sibilyang populasyon. Patuloy silang pinagbabawalan na makapaghanapbuhay sa baryo at kabundukan.

Sa tala ng Department of Social Welfare and Development noong Mayo 25, umabot sa 3,633 pamilya ang naapektuhan walang-tigil na operasyong kombat ng AFP sa lugar.

Operasyong kombat ng AFP sa Aurora, binibigo ng BHB at masang magsasaka