Koresponsal Pamamahagi ng lupa sa Palawan, malaking kalokohan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Ipinagmayabang kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) na 2,046 na residente ng Palawan ang nagawaran ng CLOA (Certificate of Land Ownership Award) at mga makinaryang pansaka. Ginawa ang seremonya ng pamamahagi sa PGP Convention Centre, Palawan noong Abril 11. Dinaluhan pa ito ng kalihim ng kagawaran at matataas na upisyal ng prubinsya.

Ang totoo, pakulo lamang ang pamamahagi ng CLOA. Ayon sa isang dumalo, “photo ops” o panletrato lamang ang naganap. Ang mga CLOA na ipinamahagi ay hindi nakapangalan sa mga binigyan nito. Hindi rin mismo ang lupang kanilang sinasaka ang nakalagay na lupa sa papel na ipinamahagi. Mas malala, “recycle” o inulit lamang ang pamamahagi dahil matagal nang may hawak na CLOA ang mga magsasakang pinadalo.

“Hindi ako dumalo, hindi ko rin kinuha ang CLOA na di sa akin nakapangalan, at di rin ako sumama sa pagpipiktyur,” kwento ng isang nanay na inimbita sa pakulong pamamahagi. Ayaw niyang magamit sa panloloko ng DAR.

Isang upisyal ng kooperatiba ng palm oil ang nabiktima ng panloloko at tumanggap ng CLOA na hindi sa kanya nakapangalan. “Nag-aaksaya lamang ng pera ang gubyerno, para lamang sabihin na namahagi ng lupa,” aniya. “Ang CLOA namin ay panahon pa ni Ramos ipinamahagi.”

Estilong “hakot” ang ginawa ng DAR para sa palabas na pamamahagi. Sinagot lahat ng kagawaran ang gastusin ng palabas, kabilang ang balikang pamasahe ng mga “benepisyaryo” na nanggaling pa sa malalayong munisipalidad. Baha rin ang pagkain at meryenda. Namahagi pa rito ng mga t-shirt na may nakatatak na “Sariling Lupa para sa Bagong Bukas na Masagana” na may mga mukha Ferdinand Marcos Jr.

“Bistadong-bistado ang pagpapapogi ni Marcos Jr,” ayon sa mga magsasaka.

Pamamahagi ng lupa sa Palawan, malaking kalokohan