74th IB: Berdugo ng Sityo Canonghan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinepeste ngayon ng mga sundalo ng 74th IB ang Sityo Canonghan, Barangay Osmeña, Palapag, Northen Samar. Simula Abril 2023, nang pasukin ng berdugong yunit ang sityo, patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa lugar.

Noong Hunyo 2, pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 74th IB ang 11 magsasaka, kabilang ang pitong menor-de-edad, habang nasa koprasan sa sityo. Matapos nito, inaresto sila ng mga sundalo at dinala sa hedkwarters.

Pinalalabas ng 74th IB na isang engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar ang nangyari sa araw na iyon. Tuso pang ipinahayag ng militar na “sinagip” nila ang mga menor-de-edad na pinalabas na mga “kuryer ng pagkain” ng hukbong bayan. Nakaranas ang mga bata ng tortyur mula sa mga sundalo.

Itinuturing sila ngayon bilang mga “hostage” o “pampain” para gipitin ang kanilang magulang na “sumurender” kahit mga sibilyang magsasaka lamang sila sa komunidad. Pinipilit din silang magsanay na maging mga espiya o aset ng mga pasistang sundalo. Lubhang paglabag ito sa internasyunal na makataong batas.

Liban dito, naitala rin ang pag-aresto sa limang indibidwal noong Pebrero at Mayo kabilang ang isang 4-anyos na bata. Nanganyon din ang mga berdugong sundalo malapit sa bukiring bahagi ng sityo noong Marso.

Naitala din sa Barangay Osmeña ang paulit-ulit na pagpapatawag ng mga sundalo sa mga pamilya ng magsasaka para magpa-“clear” ng pangalan sa kanila. Tahasang nagpataw rin ng “lockdown” ang 74th IB sa barangay.

Sapilitang pinaglilista sa “logbook” ang mga magsasaka sa araw-araw para bantayan ang kanilang pagkilos. Tinatakdaan pa ng militar kung anong oras lamang sila pwedeng magtrabaho sa sakahan. Pinagbawalan silang magdala ng bigas sa kanilang koprasan. Maging ang mga tindahan ay pinipilit na maglista ng binibiling pagkain o anumang materyal ng kanilang mga kababaryo.

Ang 74th IB ay pinamumunuan ni Lt. Col. Jose Roy Manuel Dizon. Ang yunit ay ipinakat sa Eastern Visayas noon lamang Pebrero 2023 bilang bahagi ng plano ng rehimeng Marcos na tuluyang gapiin ang BHB sa rehiyon. Kasama nila ang umaabot sa 22 batalayon ng militar sa ilalim ng 8th ID na nakatalaga sa rehiyon.

Nagdudulot ng kagutuman

Ibayong kagutuman at kahirapan ang idinudulot ng terorismo ng 74th IB sa sityo. Bago ang pagpakat ng 74th IB dito noong 2023 ay nagsimula pa lamang bumawi ang niyugan ng mga magsasaka dahil sa epekto ng Bagyong Tisoy ng 2019 at pesteng cocolisap.

Sa pag-aaral, bumagsak nang 70% ang ani ng mga residente sa sityo sa kanilang niyugan bunga ng epekto ng bagyo. Mula 330,100 niyog na nakukuha kada tatlong buwan, nasa 99,220 na lamang ito. Katumbas ito ng 76,960 kilo ng kopras na nawala na may halagang ₱1.5 milyon.

Pinakanasalanta ang mahihirap na magsasaka na bumubuo sa 67% ng mga pamilya sa sityo. Bumagsak nang 83% ang kanilang produksyon ng niyog. Dagdag pahirap sa kanila presensya ng 74th IB, at ang ipinatutupad nitong lockdown, paglimita sa kanilang oras sa koprasan at sakahan.

Maraming bunga ng niyog ang nasasayang dahil hindi agad nakokopras. May kaso din na nabunutan na ang niyog ngunit hindi na naluto at nabulok na lamang dahil sa operasyon at paghihipit ng militar. Limitado na rin ang pagtatanim ng mga palay, halamang-ugat at gulay sa mga sakahan at bukirin dahil sa paghihigpit ng mga sundalo.

Sa isang lima-kataong pamilya sa sityo, kailangan nila ng isa’t kalahating sako ng bigas sa isang buwan para sa konsumo. Dahil walang mga halamang-ugat at tanim na palay, kinukuha nila ang panggastos sa kanilang pagkokopras.

Sa karanasan ng pamilya, 100 kilo ng kopra na lamang sa halagang ₱25.00 kada kilo (kabuuang ₱2,500) ang kanilang produksyon sa isang buwan. Kulang na kulang ito para sa pagkain pa lamang nila. Dahil dito, kailangan nilang maghanap ng ibang mapagkukunan ng pagkakakitaan, na sinasagkaan naman ng militar.

74th IB: Berdugo ng Sityo Canonghan