Aktibong saywar ng imperyalistang US hinggil sa West Philippine Sea

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Umalingawngaw ang sigaw ng protesta ng mga aktibistang Filipino-American habang nagsasalita ang utak-gerang kongresista ng US na si Rep. Darrell Issa sa kumperensya ng Center for Strategic and International Studies, sa Washington, DC noong Hulyo 11. Binatikos ng mga aktibista ang presensyang militar ng US sa Pilipinas, mga krimen nito sa mamamayang Pilipino at pang-uupat ng gera sa katunggali nitong imperyalistang China.

Si Issa ay kasapi ng US-Philippine Friendship Caucus at ng US House Foreign Affairs Committee. Itinutulak niya sa Kongreso ng US ang pagbibigy ng dagdag na $500 milyong ayudang militar para sa Pilipinas. Lantarang sinusulsulan niyang ang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS), para itulak ang interes ng US.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Issa ang matagumpay na pagtutulak ng imperyalistang US sa Japan na magpadala ng tropang militar sa Pilipinas, para tunggaliin ang isang “komun na kaaway” na China.

Sa tabing ng ipokritong pagtatanggol sa “malayang karagatan at teritoryong pandagat ng Vietnam, Taiwan at Pilipinas,” binatikos ni Issa ang diumano’y “agresibong” aktibidad ng mga sasakyang pandagat ng China sa South China Sea. “Kung wala tayong gagawin, makakasaksi tayo ng paglamon, direkta o hindi direkta, sa mga bansang ito at mga teritoryong ito,” pananakot pa niya.

Samantala sa isang sulat noong Hulyo 12, hiniling ng dalawang senador ng US kay President Joe Biden na magbigay ng “kumpletong listahan ng mga pangmilitar, ekonomiko at diplomatikong mga pagpipiliang hakbang na inihanda ng Pentagon at US State Department para suportahan ang Pilipinas sa pakikipaggitgitan nito sa China sa WPS.”

Kakoro sa Pilipinas

Kakoro ni Issa at mga senador ng US ang maraming bayarang tau-tauhan ng imperyalistang US sa Pilipinas sa pang-uupat ng gera kontra China. Sa kumpas ng US, walang-tigil ang kanilang pag-iingay para painitin pang lalo ang tensyon sa WPS at udyukin ang “patriyotismo” ng mga Pilipino laban sa China.

Kabilang sa mga ito si dating upisyal ng US Air Force na si Col. Raymond M. Powell, na binibigyan ng mga kumpanya sa midya sa Pilipinas ng napakalaking oras sa telebisyon at mga panayam mula pa nakaraang taon. Nagpapakilala si Powell na isang “security analyst” at “eksperto sa usaping pandagat.”

Si Powell ay isang operatiba sa saywar at ahente-probokador ng US na nagtutulak sa mga pwersang panseguridad ng Pilipinas na magsagawa ng mapang-udyok na mga operasyon sa WPS, at gamitin na ang Mutual Defense Treaty ng bansa sa US. Walang tigil siya sa paglalarawan sa China na sarado sa usapan para palabasing wala nang espasyo para sa diplomasya at dayalogo.

Kaduweto niya si Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa WPS, na nagsanay kamakailan sa Washington, DC. Kahit nakapailalim sa kumand ng PCG, laging mayroong sariling “opinyon” si Tarriela sa mga usapin sa WPS. Kabi-kabila ang pamamahayag niya na paminsan ay taliwas pa sa pahayag ng tagapagsalita ng buong PCG at ng Philippine Navy. Pinaiinit ni Tarriela ang mga tensyon sa WPS at mulat na nagpapakalat ng disimpormasyon o patse-patseng katotohanan.

Aktibo ring tagapagpakalat ng saywar at linya ng US tungkol sa WPS ang mga lokal na maka-US na “think tank.” Kabilang dito ang Stratbase ADR Institute, isang institusyong pinopondohan ng malaking negosyo at dayuhang gubyerno, at aktibong nakikipagtulungan sa embahada ng US at Australia. Tulad ni Powell, binibigyan din ng espasyo sa lokal na masmidya ang grupong International Development and Security Cooperation, at ilang mga piling akademikong maka-US.

Liban sa mga ito, aktibo rin mismo ang Armed Forces of the Philippines sa saywar para bigyang-matwid ang ginagawa nitong pagpapainit ng tensyon sa WPS. Inilunsad nito noong Hunyo 28 ang “kampanyang impormasyon” na Mulat.

Ika-8 taon ng arbitral ruling hinggil sa WPS

Sa ika-8 taong anibersaryo ng arbitral ruling hinggil sa WPS, naglunsad ng payapang fluvial parade o parada sa dagat ang mga mangingisda at kabataan sa Subic, Zambales noong Hulyo 12. Idiin ng pagkilos ang mapayapa at diplomatikong solusyon para itulak ng mga patriyotikong Pilipino ang soberanong karapatan sa exclusive economic zone (EEZ).

Sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016, pinawalang-saysay nito ang pag-angkin ng China sa kabuuan ng South China Sea, kabilang ang malaking bahagi ng WPS, sa ilalim ng sinasabi nitong “9-dash line.” Pinagtibay din ng korte ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa 200 nautical miles (370 km) mula sa baybayin ng bansa na itinuturing na EEZ. Itinakda ito sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Isinaad rin sa desisyon na ang Scarborough Shoal (Panatag Shoal) ay isang komun na pangisdaan na pinagsasaluhan ng tradisyunal o maliliit na mangingisdang Pilipino, Vietnamese at Chinese. Nangangahulugang hindi pwedeng pigilan ang mga mangingisdang Pilipino na pumasok at mangisda doon. Bagaman nasa loob ng 200 nautical miles ng Pilipinas, ang Scarborough Shoal, hindi ito saklaw ng EEZ ng Pilipinas.

Pinuna rin nila ang panggigipit ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na naglalayag sa EEZ. Idiniin nito ang pagsira ng China sa kalikasan ng ilang bahagi ng WPS dahil sa isinagawa nitong mga proyektong reklamasyon sa lugar para magtayo ng artipisyal na mga isla.

Aktibong saywar ng imperyalistang US hinggil sa West Philippine Sea