Koresponsal Ang muling pagbabalik sa Bagtuan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa diwa ng kilusang pagwawasto na inilulunsad ng Partido Komunista ng Pilipinas sa buong bansa, ubos-kayang isinusulong ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa mga prubinsya ng Southern Tagalog ang iba’t ibang aspeto ng mga gawain. Buong-pagpupursige na isinasagawa ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang muling pagbabalik sa mga lugar na matagal nang naiwanan upang muling makonsolida ang baseng masa at higit pang patatagin ang mga ito sa gitna ng pinatinding atake ng kaaway.

Isa ang Bagtuan sa mga lugar na ito. Mayaman sa rebolusyonaryong kasaysayan ang baryo kaya isa ito sa naging pokus na barangay ng National Task Force (NTF)-Elcac. Biktima ang mamamayan sa lugar ng maramihang sapilitang pagpapasuko, pisikal at mental na tortyur, pagbabanta, harasment at intimidasyon. Halos walang puknat din sa nagdaang limang taon ang focused military operations (FMO) at Retooled Community Support Program Operations (RCSPO) ng berdugong militar at pulis upang wasakin ang rebolusyonaryong pagkakaisa ng masa dito.

Nakaambang ipasok sa Bagtuan ang ilang huwad at mapaminsalang mga proyektong pangkaunlaran kabilang ang pagmimina sa kabundukan. Sisirain nito ang mga kaingin, talukan (palayan) at mga pook-panirahan ng masa na napasakamay nila bunsod ng matagumpay na rebolusyong agraryo na isinulong ng masa sa lugar, katuwang ang BHB.

Gayunpaman, hindi natinag ang masa sa Bagtuan sa mga pang-aatake at pangwawasak ng mga berdugo. Buong-galak nilang sinalubong ang muling pagbabalik ng yunit ng BHB sa lugar kahit na may RCSPO na nakaistasyon sa isa sa mga komunidad na saklaw nito.

Agad na isinagawa ng yunit ng BHB ang pagpupulong sa mga susing masa sa lugar para muling isasaayos ang mga rebolusyonaryong gawain. Sa pamamagitan ng pagsisikap ng masa at ng yunit, nailunsad ang serye ng mga pag-aaral ng Saligang Batas ng Partido, Programa sa Pambansa Demokratikong Rebolusyon, at pahayag ng KTKS sa ika-55 anibersaryo ng Partido. Marami sa mga dating pwersa ng sangay ng Partido sa lokalidad (SPL) ang muling sumumpa sa Partido para muling pagtibayin ang kanilang komitment.

“Hindi kayang baguhin ng kaaway ang paninindigan namin sa Partido at BHB kahit pa ilang ulit silang mag-operasyon sa lugar para takutin kami,” pahayag ni Tatay Ipe, kalihim ng SPL.

Gayundin, maraming bagong kasapi ang napasumpa, patunay na hindi napuputol ang rebolusyonaryong salinlahi na nagmula pa sa mga kauna-unahang kasapi ng Partido na gumuhit at nagsimula ng rebolusyonaryong tradisyon at kasaysayan sa baryo.

“Bilang mga benepisyaryo ng rebolusyong agraryo, mulat kami sa tungkulin naming tuluy-tuloy na kumilos sa Partido tulad ng aming mga matatanda. Kapag hindi namin ito ginawa, aagawin lamang ng gubyerno ni Marcos ang aming mga lupain,” ayon kay Jonas, isang kabataan na bagong kasapi ng Partido.

Dahil higit na naunawaan ng masa ang mahigpit na pangangailangan na muling isaayos ang organisasyon ng Partido na siyang mamumuno sa kanilang kilusang masa, sunod na isinagawa ang serye ng muling pagbubuo at pagpupulong ng mga sangay ng Partido sa mga baryong saklaw ng Bagtuan. Sa pamamagitan nito, binuo ang mga plano sa sama-samang pagdedepensa at pagkilos ng masa sa lugar upang biguin ang mga atake ng kaaway at labanan ang anumang huwad at mapaminsalang proyektong pangkaunlaran na balak ipasok sa Bagtuan ng NTF-Elcac at ng reaksyunaryong gubyerno. Binuo rin ang plano sa suyuan at pagtutulungan sa pagtatanim na mahalaga sa panahong ito na kasagsagan ng pagtatanim sa mga kaingin at tubigan.

Ani Tatay Ipe, “Nasa kamay natin ang ating kinabukasan. Maipagtatanggol lamang natin ang ating buhay at kabuhayan kapag malakas ang Partido at nagkakaisa tayong lahat.”

Patunay ang karanasan ng Bagtuan na hindi totoo ang ipinangangalandakan ng rehimeng US-Marcos at ng mga pasistang utusan nitong militar at pulis na tiyak nang mauubos ngayong taon ang mga rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa. Buhay na halimbawa ito na anumang lupit ng atake ang isagawa ng kaaway, hindi nito magagawang durugin ang rebolusyonaryong pagkakaisa ng masa at Bagong Hukbong Bayan at ng proletaryong Partidong namumuno sa rebolusyon.

Ang muling pagbabalik sa Bagtuan