Internasyunal na asembliyang anti-imperyalista, matagumpay na idinaos sa Malaysia

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Matagumpay na idinaos ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang ika-7 internasyunal na asembliya nito mula Hunyo 21 hanggang 24 sa Malaysia. Sa komunike na inilabas ng organisasyon noong Hulyo 11, iniulat nitong dinaluhan ang asembliya ng 535 na indibidwal mula sa 44 bansa. Ang 432 delegado ay mula sa 192 mga organisasyon na myembro ng ILPS habang 103 ay mga panauhin at obserber.

Pinakamalaki ang asembliyang ito sa kasasayan ng liga. Ayon sa komunike, salamin ito ng matitinding epekto ng mga imperyalistang krisis sa ekonomya, pulitika, militar at klima sa buong mundo at ng kapasyahan ng mamamayan na magkaisa at makibaka para sa isang mas maayos na daigdig.

Binuksan ang asembliya sa pamamagitan ng talumpati ni Leila Khaled, bantog na mandirigmang Palestinian mula sa Popular Front for the Liberation of Palestine, tungkol sa kahalagahan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Palestino laban sa US-Zionistang agresyon at okupasyon, at ang kahalagahan din ng internasyunal na pakikipagkaisa ng mamamayang lumalaban. Sinundan ito ng mga tagapagsalita sa mga paksa ng pambansang paglaya, sosyo-ekonomikong pag-unlad, demokrasya sa paglaban sa pasismo, at makatarungang kapayapaan sa pakikibaka laban sa mga gerang agresyon.

Nagkaroon ng mga palihan at palitan ng mga karanasan ang mga delegado na naging basehan ng paglalabas ng Pangkalahatang Deklarasyon ng asembliya. Naghalal din ng bagong mga upisyal ang liga. Muling nahalal bilang pinuno nito si Len Cooper mula sa Australia at pangkalahatang kalihim nito si Azra Sayeed mula sa Pakistan.

Pinarangalan sa asembliya si Kasamang Jose Maria Sison, na nagsilbi noong chairman emeritus ng liga. Ito ang unang internasyunal na asembliyang inilunsad mula nang pumanaw siya noong 2022.

Internasyunal na asembliyang anti-imperyalista, matagumpay na idinaos sa Malaysia