Iskemang BRT sa Iloilo, huwad na modernisasyon para sa ganid-sa-tubo na kumprador at dayuhan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inanunsyo noong nakaraang buwan ng lokal ng gubyerno ng Iloilo City na pinag-aaralan na nito ang sistemang bus-rapid transit (BRT) na inihapag ng First Balfour Inc. Bahagi ang iskemang ito ng huwad na Public Utility Vehicle Modernization Plan (PUVMP) na dahilan ng pagpapatalsik sa mga dyip sa lansangan at pag-agaw sa kabuhayan ng maliliit na drayber at opereytor. Planong itayo ang BRT sa mga daang pinaluwag ng jeepney phaseout at ang mga rutang pinanipis ng Local Public Transport Route Plan. Pagmamay-ari ang First Balfour ng pamilyang Ayala, isa sa pinakamalaking burges-kumprador sa bansa.

Binuo noong 2023 ang plano para sa iskemang BRT sa syudad ng mga “ekspertong” Swede, gamit ang $1 milyong “grant” mula sa Swedfund, institusyong pampinansya ng gubyerno ng Sweden. Bahagi ng paggawad ng “grant,” na sa aktwal ay pautang sa lokal na pamahalaan, ang pagpasok ng mga konsultant at kumpanyang Swedish sa lokal na sektor ng transportasyon.

Ipinalulunok ng Swedfund at kasabwat nitong mga upisyal ng Iloilo ang iskemang BRT sa pagdadahilang kailangan ito ng syudad para sa “pangangalaga sa kalikasan at sistema sa transportasyong urban na mababang-karbon.” Sa ilalim nito, papalitan ng mga e-bus ang mga “lumang dyip” para diuamno bawasan ang polusyon at greenhouse gases (GHG) ng syudad na nagpapalala sa pag-init ng planeta. Malaking kalokohan ito dahil ang mayor na nagbubuga ng GHG sa isla ay mismong mga plantang lumilikha ng kuryente. Nakaasa ang 91.9% na pangangailangan kuryente ng Panay sa mga plantang coal-fired (58.2%) at diesel/bunker-fired (33.7%). Kumpara sa mga ito, maliit na parte ang ibinubugang GHG ng mga regular na bus at dyip.

Tinatayang mangangailangan ang proyekto ng ₱2.4 bilyon para sa pagpapaluwag ng mga daan at paglalatag ng kinakailangang pasilidad tulad ng mga waiting shed, traffic light at iba pa na rekisito sa paggana ng sistemang BRT. Ikinakampanya ito ngayon ng lokal na gubyerno para ipailalim sa programang Public-Private Partnership para paglaanan ng pampublikong pondo ng pambansang gubyerno.

Panimulang sasaklawin ng First Balfour ang mayor na ruta ng Diversion Road at susing mga ruta sa distrito ng Jaro at Arevalo. Sa plano nito, bibili ng panimulang 48 na e-bus o mga debateryang bus mula sa BYD (Build Your Dreams), isang kumpanyang multinasyunal na nakabase sa China. Nagkakahalaga ang mga e-bus ng BYD ng $246,000 hanggang $605,000 kada isa o ₱14.27 milyon-₱35.09 milyon (58=₱1). Sa kasalukuyang limitadong serbisyo ng mga e-bus sa Metro Manila, nasa $1 (₱58) na ang batayang pamasahe. Tatlo hanggang apat na ulit itong mas mahal sa pamasahe sa regular na mga bus at 4-5 ulit na mas mahal kumpara sa mga tradisyunal na dyip.

Mayroong 2,500 tradisyunal na dyip sa syudad noong Disyembre 2023. Sa datos ng ahensya sa transportasyon ng syudad, 75% sa mga ito ay pumaloob sa konsolidasyon sa takot na mawalan ng kabuhayan pagsapit ng Mayo. Ang 625 na yunit na hindi nagpakonsolida ay tuluy-tuloy na binantaang patatalsikin sa daan. Malala pa, mula Hunyo, 40% na lamang sa mga dyip mula sa mga bayang nakapalibot sa syudad ang pinayagang pumasada sa loob nito, kahit pumaloob ang mga drayber sa pwersahang konsolidasyon. Nagresulta ito sa matinding pagbagsak ng kita ng mga drayber mula ₱800/kada araw tungong ₱300 at ng mga opereytor mula ₱3,500 tungong ₱1,500 kada araw.

Lagakan ng dayuhang kapital

Liban sa Iloilo BRT, 11 pang sistemang BRT ang nakapailalim sa programang pangtransportasyon ng rehimeng Marcos. Lahat ng mga ito ay tulak at pakana ng mga dayuhang institusyon sa pinansya.

Nasa antas-paghahanda, pagpaplano at pagpapaunlad ang mga sistemang BRT sa Bataan, Central Luzon, Manila Bay, EDSA (Metro Manila High-Quality Bus Corridor at EDSA Busway Improved Project), Skyway, Panglao-Tagbilaran sa Bohol, General Santos City at Cagayan de Oro. Aprubado na ang proyektong Davao BRT at sinimulan na ang konstruksyon ng BRT sa Cebu.

Ang mga BRT sa EDSA at Davao ay mga proyekto ng Asian Development Bank ng Japan. Isang bilyong dolyar o ₱58 bilyon ang pinautang nito para sa Davao BRT.

Samantala, ang Cebu BRT ay proyekto ng World Bank sa ilalim ng Clean Technology Finance nito at Agence Française de Développement ng gubyernong France. Isinagawa na ang “ground breaking” ng proyekto na dinaluhan mismo ni Ferdinand Marcos Jr noong Pebrero 27, 2023.

Iskemang BRT sa Iloilo, huwad na modernisasyon para sa ganid-sa-tubo na kumprador at dayuhan