Koalisyong Makabayan, magpapatakbo ng 12 senador

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tinawag na “Oposisyon ng Bayan,” inanunsyo noong Hulyo 10 ng Koalisyong Makabayan ang plano nitong magpatakbo ng 12 kandidato pagkasenador sa halalang 2025. Buo ang pasya ng koalisyon na tumayo bilang tunay na oposisyon sa eleksyong dinodomihan ng mga paksyon ng naghaharing uri. Kakatawanin nito ang interes ng ordinaryong mamamayan sa Senado.

Idineklara ng koalisyon na itataguyod ng mga makabayan at progresibong kandidato nito ang komprehensibong programang pambansa-demokratiko na tutugon sa “hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pag-unlad para sa nakararami, respeto sa karapatan, at ganap na pambansang soberanya.”

Una nang inanunsyo ni Rep. France Castro noong Hunyo 26 ang pagtakbo niya sa Senado sa ilalim ng koalisyon, dala ang panawagang “Titser naman sa Senado.”

Dalawang linggo lamang pagkatapos nito, agad siyang inatake ng estado. Pinatawan ng di makatarungang hatol na nagkasala sa kasong child abuse, kasama si Satur Ocampo at 11 pa sa tinaguriang Talaingod 18. Nagmula ang kaso sa pagsaklolo nila sa mga guro at 14 estudyante, sa kahilingan ng mga ito, sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod Davao del Norte noong 2018. Noong Disyembre 2018, ibinasura na ng korte ang kasong kidnapping laban sa kanila. Sunud-sunod na mga pagkilos ang inilunsad ng mga pambansa-demokratikong grupo para kundenahin ang hatol ng korte. Pangako ng Talaingod 18 na lalabanan nila ang hatol sa lahat ng larangan.

Hindi nagpatinag ang Makabayan sa atake. Noong Hulyo 16, idineklara nito si Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas bilang pangalawang kandidato. Pinili si Brosas ng Komite ng 100 Kababaihan mula sa iba’t ibang sektor. Sina Castro at Brosas ay kasalukuyang House Minority Floor Leader at Assistant House Minority Floor Leader sa Kongreso.

Koalisyong Makabayan, magpapatakbo ng 12 senador