Magkapatid, pinatay; tatlong iba pa, dinakip ng militar at pulis

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinagbabaril hanggang mapatay ng lulong-sa-drogang mga sundalo ng 2nd IB ang magkapatid na Ronel, 22, at Robert Monsanto, 18, sa Sityo Laray, Barangay Aguho, Esperanza, Masbate noong Hulyo 8. Ang magkapatid ay nagpapastol ng kanilang alagang hayop nang madaanan at walang kaabug-abog na pagbabarilin ng nag-ooperasyong mga sundalo.

Dinala ng mga sundalo ang bangkay ng magkapatid sa Barangay San Roque at doon pinalabas na mga Pulang mandirigma na napaslang sa isang engkwentro. Ibinalandra ng mga ito ang mga bangkay at nilagyan ng mga armas at kagamitang pandigma.

Pagdukot. Dinukot ng mga pwersa ng estado at hindi pa rin inililitaw ang lider-magbubukid na si Melchor Luyao, kasapi ng Katipunan ng Samahang Magbubukid (Kasama)-Rizal, noong Hulyo 9 ng gabi sa Antipolo City. Kasalukuyang inaalam ng mga grupo sa karapatang-tao kung saan dinala si Luyao at anong yunit ng militar o pulis ang dumukot sa kanya.

Pag-aresto. Dalawang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka ang iligal na inaresto ng 4th IB at pulis sa isang barangay sa bayan ng Bulalacao, Oriental Mindoro noong Hulyo 13. Inilitaw sina Joy Laguardia at ang kanyang kasama dalawang araw matapos inaresto.

Matagal nang social worker si Joy at tumutulong sa mga magsasaka. Sa kabila ng paggigiit ng mga kaanak at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, hindi pa rin ipinakakausap ang mga inaresto sa kanilang pamilya at piniling abugado.

Pagkakaso ng “terorismo.” Sinampahan ng kasong “terorismo” o paglabag sa Anti-Terrorism Act ang dalawang lider-unyonista mula sa National Capital Region na sina Rodrigo Esparago at Ed Cabuelo. Idinadawit sila sa isang engkwentro ng hukbong bayan at militar sa Barangay San Fernando Sur, Laur, Nueva Ecija noong Oktubre 8, 2023.

Magkapatid, pinatay; tatlong iba pa, dinakip ng militar at pulis