Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

 

3,000 magtutubo, nagrali sa Batangas. Sa pangunguna ng SUGAR-Batangas, nagtipon ang 3,000 magtutubo sa harap ng upisina ng DSWD sa Batangas City noong Hulyo 10 para igiit ang pamamahagi ng ayuda na nakalaan para sa kanila. Resulta ng pagkilos, tinanggap ng DSWD ang papeles ng ikalimang bats ng mga benepisyaryo na una nitong tinanggihan. Hinimok ng mga magbubukid ang agad na paglalabas ng ayuda.

Protesta para sa Palestine. Higit 300 kabataan at estudyante mula sa Baguio City ang lumahok sa pagkilos para sa Palestine noong Hulyo 7 sa Malcolm Square sa syudad. Nagpiket naman sa harap ng FEU ang Tamaraws for Palestine noong Hulyo 15 para ipahayag ang kanilang suporta sa mamamayang Palestino. Binatikos nila ang nagpapatuloy na kampanyang henosidyo ng Zionistang estado ng Israel, na suportado ng imperyalismong US, laban sa mga Palestino sa Gaza Strip.

Protesta laban sa RAA. Nagtungo sa embahada ng Japan sa Pasay City noong Hulyo 8 ang Bayan at Asia-Wide Campaign against US-Japanese Domination and Aggression of Asia para kundenahin ang pagpirma ng Japan at Pilipinas sa kasunduang militar na Reciprocal Access Agreement (RAA). Ayon sa Bayan, ang kasunduan ay isang mapanganib na hakbang at magbubunga ng pinatinding militarisasyon at tunggalian sa Asia-Pacific.

Pagtitipon at protesta laban sa NATO, isinagawa sa US. Nagtipon noong Hulyo 7 sa Washington DC sa US ang 60 grupong anti-imperyalista sa ilalim ng Resist NATO (North Atlantic Treaty Organization) para ipanawagan na itigil na ang mga gera ng US sa Ukraine at iba pang bahagi ng mundo, gayundin ang henosidyo nito sa Palestine. Nagmartsa sila patungo sa White House. Bago nito, inilunsad ng mga grupo ang Resist NATO Summit na dinaluhan ng 300 indibidwal. Itinaon nila ang mga ito bago ang pagpupulong ng mga bansang NATO sa Washington noong Hulyo 7-9 sa okasyon ng ika-75 anibersaryo nito.

Mga protesta