RAA: Kasunduang militar sa Japan, higit na magpapahamak sa mga Pilipino

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinirmahan noong Hulyo 8 ang kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at Japan na Reciprocal Access Agreement (RAA). Sa kauna-unahang pagkakataon mula matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, papayagan nito ang pagpasok at pananatili ng mga tropa ng imperyalistang Japan sa bansa. Pahihintulutan nito ang walang sagkang paglabas-masok ng mga tropang Japanese sa tabing ng pinagsanib na mga pagsasanay at kooperasyon. Malaki ang pagkakatulad nito sa umiiral nang Visiting Forces Agreement sa pagitan ng US at Pilipinas.

Nakapaloob ang RAA sa Indo-Pacific Strategy ng US na may pangunahing layuning pigilan ang paglawak ng lakas at impluwensya ng China, ang komun na karibal ng Japan at US sa Asia. Nilagdaan ito sa konteksto ng pinaigting na mga operasyong militar ng Japan sa ibang bansa sa balangkas ng Quad (Quadrilateral Security Dialogue) na pinamumunuan ng US, at ng lumalaking papel nito sa mga pagsasanay at paghahanda sa digmaan.

Sa pag-uudyok ng US sa nakalipas na mga taon, pinalakas at pinalawak ng Japan ang tinatawag nitong self-defense force bilang isang pwersang pandigma, bagay na tahasang ipinagbabawal sa sarili nitong konstitusyon. Itinutulak ng US ang Japan na taasan ang badyet nito sa militar tungong 2% (mula sa 1%) ng gross domestic product nito upang “makibahagi sa gastos” ng “paghadlang sa agresyon ng China.”

Habang nagsilbi ang Japan bilang sekundaryong katuwang na imperyalistang kapangyarihan ng US, may kalkuladong risgo ding mapalakas nito ang mga monopolyong kapitalistang Japanese na naghahangad ng ekspansyunismo. Noong 2023, binanglakas ng Japan ang sariling planong Free and Open Indo-Pacific para bigyan-hugis ang pagpapalakas ng sariling presensyang militar at pagpapalawak ng impluwensya sa Asia bilang imperyalistang bansa.

Balak ng Japan na itambak ang $75 bilyong sarplas na kapital nito sa anyo ng pamumuhunan sa iba’t ibang proyektong imprastruktura sa mga bansa sa South at Southeast Asia. Higit sa US at China, ang Japan ang pinakamalaking imperyalistang mamumuhunan sa rehiyon. Umaabot sa $367 bilyon ang kasalukuyang pamumuhunan nito sa mga proyekto sa Southeast Asia pa lamang, pangunahin sa Singapore, Vietnam at Pilipinas.

Malalim na impluwensya at kontrol sa Pilipinas

Panahon ng rehimeng Aquino II, nagkaroon na ng mga usapan sa pagitan ng Pilipinas at Japan para pahintulutan ang pagdaong at pagtigil ng mga pwersang Japanese sa bansa. Gayunpaman, noon lamang 2023 pormal na sinimulan ang negosasyon sa pagbubuo ng RAA. Binasbasan ito ng US sa ginanap na Trilateral Summit sa pagitan ng US, Japan at Pilipinas noong Abril, kung saan ipinirmi ang pagsasagawa ng mga pinagsanib na pagsasanay ng tatlong bansa sa South China Sea. Ilang araw bago ang naturang pulong, isinagawa ng tatlong bansa ang kauna-unahang sabayang paglalayag ng mga barkong pandigma sa West Philippine Sea.

Sa pamamagitan ng RAA, pinahihintulutan ni Marcos ang Japan na palakasin ang interbensyon nito sa Pilipinas kapalit ng pagbibigay ng mga pinaglumaang kagamitang militar tulad ng mga sistemang radar pangsarbeylans, gayundin ang mga pangako ng pamumuhunan at pautang, na nangangahulugan lamang ng pagiging lalong palaasa ng bansa sa dayuhang kapital.

Binuksan din ng RAA ang hindi pa naghihilom na sugat na iniwan ng brutal na okupasyon ng Japan sa Pilipinas mula 1942 hanggang 1945. Dokumentado ang karumal-dumal na mga krimen sa gera na isinagawa ng mga tropang Japanese. Pinakamatingkad sa mga ito ang sistema ng pang-aaliping sekswal kung saan libu-libong kababaihan, bata at baklang Pilipino ang dinukot mula sa kanilang mga komunidad at ikinulong sa mga kampo militar para paulit-ulit na gahasain, itortyur, at pahiyain. Kinilala ang mga biktima bilang mga “comfort women,” na hanggang ngayon ay pinagkakaitan ng hustisya, kapwa ng Japan at ng reaksyunaryong estadong Pilipino. Sa kabila ng tulak ng United Nations, hindi kailanman buong kinilala ng Japan ang mga Pilipinong comfort women at wala itong ibinigay na kumpensasyon ni isang sentimo sa kanila.

RAA: Kasunduang militar sa Japan, higit na magpapahamak sa mga Pilipino