Usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP-NDFP, itinulak ng bagong buong grupo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagtipon noong Hulyo 16 ang ilang kilalang indibidwal at lider sa Santo Domingo Church Compound, Quezon City para sa isang talakayan at upang maghatid ng malakas na mensahe sa rehimeng Marcos kaugnay ng usapang pangkapayapaan. Sa araw na iyon, binuo nila ang Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) para itulak ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ang CLPI ay binubuo ng mga akademiko, abugado, mga dating dekano, mga obispo at lider ng iba’t ibang simbahan, at mga kilalang tagapagtaguyod ng kapayapaan. Nanawagan ang grupo kay Marcos Jr na magpahayag ng “malinaw at tiyak na kagustuhang isulong ang mapayapa at napagkasunduang solusyon sa matagal nang umiiral na armadong tunggalian” sa Pilipinas. Anito, ang makatarungang kapayapaan ay kinakailangan para sa mas maunlad na estado ng bansa.

Idiniin ng grupo ang kawalan ng kasunod na mga hakbang at aksyon matapos ang inilabas na Oslo Joint Statement ng GRP at NDFP noong Nobyembre 23, 2023. Deklarasyon ito ng balak o paghahangad na muling buksan ang usapan at buuin ang balangkas kung papaano ito isasagawa.

Usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP-NDFP, itinulak ng bagong buong grupo