Andap Valley Complex: Tadtad ng mapangwasak na mga mina

,

Kasabay ng paglipana ng mga detatsment ng militar ang pagpasok ng maraming kumpanya sa pagmimina sa Agusan del Sur at Surigao del Sur, pangunahin sa mayaman-sa-mineral na Andap Valley Complex. Pinagmamay-ari ang mga minahang ito ng pinakamalalaking kumprador, kasosyo ang malalaking dayuhang kumpanya.

Alinsunod sa Mines and Geosciences Bureau noong Agosto, hindi bababa sa 13 Mineral Production Sharing Agreement ang iginawad ng pambansa at lokal na gubyerno sa mga kumpanya para magmina sa iba’t ibang bahagi ng Agusan del Sur at Surigao del Sur. Mayroon din itong ibinigay na apat na exploratory permit, tatlong small scale mining contract, dalawang minahang bayan, isang special mines permit at isang mineral processing permit.

Kabilang sa mga may pinakamasaklaw na operasyon ang Marcventures Mining and Development Corporation (kabuuang 9,659 ektarya), CTP Construction & Mining Corporation (8,452 ektarya), Ludgoron Mining Corporation (2,062 ektarya), Kafugan Mining, Inc (1,186 ektarya), Philsaga Mining Corporation, (8,548 ektarya), Philex Gold Philippines, Inc. (6,207 ektarya) at Consolidated Ores Philippines, Inc (1,953 ektarya). Ang Marcventures at katambal nitong Bright Kindle Resources & Investments, Inc. ay bahagi ng RYM Business Management Corporation na pagmamay-ari ng pamilya ni House Speaker Martin Romualdez.

Noong Hulyo, nagsumite ng dagdag na aplikasyon sa pagmimina ang Benguet Corporation na pag-aari rin ng mga Romualdez para magmina ng karbon sa mga bayan ng San Miguel, Marihatag at Tago. Humingi ito ng lisensya para saklawin ang 12 “coal block” sa lugar, katumbas ng 12,000 ektarya. Kontrolado ng mga Romualdez ang Benguet Mining mula pa sa panahon ng diktadurang Marcos Sr. Kasosyo nito ngayon ang kumpanyang Amerikano na Rothschild Investment LLC.

Kasosyo naman ng Philex Mining, pag-aari ng malaking burgesyang si Enrique Razon, ang Medusa Mining Limited, isang kumpanyang Australian. Isang kumpanyang Australian din (Ten Sixty Four Limited) ang kasosyo ng Philsaga Mining, na pag-aari ng dating mga sundalo at paramilitar.

Ang Benguet Corporation ay isa sa mga kumpanyang nakinabang, kundiman nagtulak, sa brutal na militarisasyon sa Andap Valley Complex. Ang iba pang kumpanya ay ang Abacus Coal Exploration and Development Corp, at ang kasosyo nitong Oriental Vision Mining Philippines (ORVI) Corp ng pamilyang Zamora. Saklaw ng aplikasyon ng ORVI at Abacus ang 5,000-ektaryang kagubatan sa AVC. Ang iba pang kumpanya ay ang Great Wall Mining and Power Corp na isang kumpanyang Chinese; ASK Mining and Exploration Corp na noon pang 2009 ginawaran ng permit para sa eksplorasyon; at ang CoalBlack Mining Corp.

Matatagpuan sa Andap Valley ang isa sa pinakamalaking reserbang karbon sa buong mundo. Saklaw nito ang magkanugnog na bayan ng San Miguel, San Agustin, Marihatag, Cagwait, Tago at Lianga sa Surigao del Sur.

Sa loob ng mahabang panahon, napigilan ang pandarambong ng mga kumpanyang ito sa Andap Valley dahil sa mahigpit na pagtutol ng masang Lumad, at pagtanggi nilang magbigay ng kanilang free and prior informed consent. Mula 2015, ipinailalim ang San Miguel, San Agustin, Marihatag, Cagwait, Tago at Lianga sa brutal na paghaharing militar para supilin ang paglaban ng mga Manobo at Mamanwa, at pwersahin silang bitawan ang kanilang karapatan sa kanilang lupang ninuno.

Kabilang sa mga krimen ng militar ang mga masaker sa Lianga noong 2015 at 2021. Biktima ng unang masaker sina Emerito Samarca, executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev); Dionel Campos, pinuno ng lokal na organisasyon ng mga magsasaka na Mapasu; at myembro nitong si Datu Juvello Sinzo. Dahil sa masaker, napilitan noon na magbakwit ang 3,000 Lumad. Dalawang magsasakang Lumad at isang 12-taong gulang na estudyante ang biktima ng pangalawang masaker.

Sa mga sumunod na taon, ilang beses pang napilitang magbakwit ang mga residente dahil sa walang awat na pamamaslang at militarisasyon. Sa utos ng noo’y rehimeng Duterte, tinarget ng militar ang mga paaralang Lumad na pinatatakbo ng mga lokal na komunidad. Kalaunan, napilitang magsara ang mga eskwelahang ito at hanggang ngayon ay hindi pa muling nabubuksan.

Andap Valley Complex: Tadtad ng mapangwasak na mga mina