Atake sa mga magsasaka sa Masbate, Palawan at iba pa, lumalala

,

Patuloy na tumitindi ang teroristang kampanya ng panunupil ng rehimeng US-Marcos at kasabwat na mga panginoong maylupa laban sa masang magsasaka sa kanayunan. Sa nagdaang mga linggo, naitala ang kaso ng pagpatay sa mga magsasaka sa Masbate, pag-aresto sa Palawan, at pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa Bataan, Cavite, Laguna, Cebu, at Iloilo.

Pagpaslang. Dalawang magsasaka ang pinaslang ng mga sundalo ng 2nd IB sa Purok 3, Barangay Simawa, Uson, Masbate noong Setyembre 26. Ang pinaslang na sina Roger Clores at Ronnel Abril ang ika-34 at ika-35 biktima ng pamamaslang ng 2nd IB sa prubinsya.

Pinabulaanan ng taumbaryo ang pinalalabas ng militar na napatay ang dalawa sa isang engkwentro, kung saan nakakumpiska pa diumano ng iba’t ibang klase ng mga baril. Pinatotohanan nilang kababaryo nila si Clores at Abril.

Pag-aresto. Iligal na inaresto si Sefriano Liabres, organisador ng Samahan ng mga Magsasaka at Katutubo ng Mindoro, sa Taytay, Palawan noong Oktubre 1. Nagpapagamot siya nang damputin siya ng mga pulis.

Pangangamkam ng lupa. Ilang ulit na pinaputukan ng mga maton ng Hacienda Borromeo ang mga magbubukid ng Barangay Pandacan, Pinamungahan, Cebu noong Setyembre 23. Nilalabanan ng mga magbubukid na kasapi ng Baybay II Farmers Association ang pagpapalayas sa kanila. Ilang henerasyon na silang nagbubungkal sa naturang asyenda.

Sa Iloilo, siyam na pamilyang magsasaka sa Barangay San Jose, San Miguel ang pwersahang pinalayas sa kanilang mga tahanan noong Oktubre 2 ng Communities Iloilo Inc, isang subsidyaryo ng Vista Land & Lifescapes Inc, kumpanyang pag-aari ng pamilyang Villar. Bantog ang mga Villar sa pang-aagaw ng mga lupang pang-agrikultura at pagpapalit-gamit ng mga ito tungo sa mga subdibisyon.

Sa Laguna, umalma ang mga magbubukid na residente ng Barangay Casile, Cabuyao sa pagbabakod ng Emirates Security Agency at Santa Rosa Realty Development Corporation, pag-aari ng mga Yulo, sa 24-ektaryang lupain sa barangay noong Setyembre 23. Dahil sa pagbakod at pagbabanta ng mga gwardya, hindi mapuntahan ng mga magbubukid ang kanilang mga tanimam. Ang pamilyang Yulo ay isa sa pinakamalaking panginoong maylupa sa prubinsya.

Sa Cavite, mahigit 100 tauhan ng pulis at militar sa ilalim ng Task Force Ugnay ng 202nd IBde ang muling nagtangkang pumasok sa Lupang Ramos sa Dasmariñas City noong Setyembre 26. Bago ito, isang buwan nang ilang ulit na inatake ng mga pwersa ng estado ang naturang asyenda para buwagin ang pagkakaisa ng mga magbubukid.

Atake sa mga magsasaka sa Masbate, Palawan at iba pa, lumalala