Ika-52 anibersaryo ng batas militar, ginunita sa koordinadong mga protesta

,

Sa pangunguna ng mga pambansa-demokratikong organisasyon at iba pang progresibo, ginunita ng iba’t ibang mga sektor ang ika-52 anibersaryo ng pagpataw ni Ferdinand Marcos Sr ng batas militar sa mga protesta sa loob at labas ng bansa. Pinamunuan ang mga pagkilos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

“Ginugunita natin ngayong taon ang anibersaryo ng deklarasyon ni Ferdinand Marcos Sr ng batas militar na may kasabay na galit sa nagpapatuloy na mga paglabag sa karapatang-tao, mga karapatang sibil at sa internasyunal na makataong batas sa ilalim ng kanyang anak na si Ferdinand Marcos Jr,” ayon sa mga grupo.

“Nagpapatuloy ang kawalang pakundangan, kasabwat ang nakatataas sa pulitika at ekonomya na suportado ng gubyernong US.” Anila, tulad noong panahon ng batas militar, hinahadalangan ngayon ng mga pasistang makinarya tulad ng NTF-Elcac, mga batas tulad ng Anti Terrorism law at ang bundat na militar at pulis ang hangarin ng mamamayan para sa demokrasya, panlipunang hustisya, karapatang-tao at kapayapaan.

Nagkaroon ng mga pagkilos sa Metro Manila, Laguna, Daraga at Legazpi City sa Albay, Baguio, Iloilo City at Capiz sa Panay, Cebu, Bacolod, Tacloban at Davao. Sa labas ng bansa, nagkaroon ng mga pagkilos sa siyam na syudad sa US sa pangunguna ng Bayan-USA.

Liban sa mga rali, nagkaroon ng mga film showing, misa, kultural na pagtatanghal at pagsisindi ng kandila bilang pagkilala sa namartir sa laban sa diktadura at pagbalik-tanaw sa kilusang nagpatalsik kay Marcos Sr.

Ika-52 anibersaryo ng batas militar, ginunita sa koordinadong mga protesta