Irigasyon at kumpensasyon, panawagan ng mga magsasaka

,

Mula Ilocos hanggang Bicol, pareho ang hinaing ng mga magsasaka sa kainutilan at kapabayaan ng rehimeng Marcos sa harap ng malawakang pinsala sa agrikultura na dulot ng magkasunod na mga sakunang humambalos sa bansa.

Nakipagdayalogo ang mga magsasaka mula sa Malolos City, Plaridel at Calumpit, lahat sa Bulacan, sa National Irrigation Administration noong Setyembre 26, para igiit ang kagyat na pagsasaayos ng mga sistema ng irigasyon na pininsala ng El Niño at La Niña. Anila, ang hindi maayos na imprastrukturang irigasyon ay nagdulot ng paulit-ulit na pagbaha sa panahon ng tagbik o high tide, sobrang pagkapinsala ng kanilang mga pananim at pagpasok ng tubig-dagat sa kanilang mga sakahan.

Anila, habang isinasaayos ang imprastruktura bilang matagalang solusyon, dapat kagyat na maglaan ang gubyerno ng kinakailangang mga gamit, tulad ng mga motor pump at deep well, para agad na tugunan ang pangangailangan sa produksyon.

Sa Ilocos Norte, umabot na sa ₱87 milyon ang pinsala sa mga pananim, kasama ang karagdagang ₱385,000 na nawala sa mga alagang hayop dulot ng Bagyong Julian na tumama noong Oktubre 2. Bumabangon pa lamang ang prubinsya mula sa sunud-sunod na epekto ng El Niño at nakaraang mga sakuna, kabilang ang pagbaha mula sa Bagyong Carina at hanging habagat, na labis na nakaapekto sa sektor ng agrikultura.

Iginigiit ng mga magsasaka rito ang ₱25,000 subsidyong pamproduksyon, ₱15,000 subsidyo para sa mga mangingisda, at ₱10,000 tulong sa pinansya para sa lahat ng naapektuhan ng bagyo at mga pagbaha.

Sa Bicol, subsidyo at kumpensasyon din ang panawagan ng mga magsasaka mula sa Libon, Albay at Nabua at Bato, sa Camarines Sur. Halos 400 ektarya ng palay ang nananatiling nakalubog sa tubig-baha dulot ng magkasunod na mga bagyo. Kalakhan nito ay aanihin na sana noong Setyembre. Nagtatagal ang tubig baha mula isa hanggang dalawang buwan bago mawala, at umaabot sa taas na mula bewang hanggang lagpas tao (mga 6-7 talampakan). Tinatayang nasa 90-100% ang napinsala sa mga tanim sa mga binahang palayan. Panawagan ng mga magsasaka ang paglalatag ng mga dike, tulong para sa pagbili ng farm inputs at kapital para sa paghahanda ng lupa at sa pagtatanim.

Irigasyon at kumpensasyon, panawagan ng mga magsasaka