Isnayp, kontra-atake, inilunsad ng BHB-Western Samar

,

Sa harap ng pinatinding operasyong kombat at pandudumog ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga barangay sa Samar, nakapaglunsad ng isnayp at mga kontra-atake ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command).

Noong Setyembre 16, inisnayp ng BHB ang nagkakampo na mga elemento ng 87th IB sa Barangay Canvais, Motiong, Samar. Sa paunang ulat, nasugatan ang nagbabantay na tropa ng militar.

Noong Setyembre 14, naunang nakapagpaputok ang mga Pulang mandirigma laban sa nakasalubong nitong nag-ooperasyong yunit ng 46th IB sa Barangay Dugungan, Jiabong. Napatay sa engkwentro ang isang sundalo ng 46th IB habang isa ang napaulat na malubhang nasugatan.

Noon namang Setyembre 11, binigo ng isang yunit ng BHB-Western Samar ang tangkang pag-atake ng 46th IB sa kanilang kampo sa Barangay Salvacion, Jiabong. Anang BHB, nagdamit sibilyan at nag-astang Pulang hukbo ang mga sundalo para manlinlang sa masa. Naagaw ng mga Pulang mandirigma ang inisyatiba sa labanan at aktibong nakapagdepensa laban sa kaaway.

Isnayp, kontra-atake, inilunsad ng BHB-Western Samar