Koalisyong Makabayan, babangga sa mga dinastiya at trapo sa eleksyong 2025

,

Pormal na inianunsyo ng Koalisyong Makabayan sa pambansang kumbensyon nito sa San Andres Sports Complex sa Maynila noong Setyembre 28 ang kanilang plataporma, mga kandidato pagkasenador at mga nominado ng mga partidong tatakbo sa eleksyong party-list. Halos napuno ng higit 3,000 mga tagasuporta at kasapi ng koalisyon ang benyu.

Sa talumpati ni Ka Paeng Mariano, lider-magsasaka at isa sa mga tagapangulo ng koalisyon, ibinahagi niyang iinog ang kampanya ng Makabayan sa pagtataguyod ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya para sa kagyat na ginhawa ng taumbayan at kasarinlan ng bansa.

Batid ng koalisyon ang reyalidad na ang halalan ay dominado ng mga pampulitikang dinastiya at tradisyunal na pulitiko na kumakatawan sa interes ng mga oligarkiya, panginoong maylupa, at mga dayuhang mandarambong.

Magpapatakbo ito ng 11 kandidato pagkasenador at apat na mga progresibong party-list na kumakatawan sa kababaihan, guro, kabataan at ibang demokratikong sektor.

Ang mga kandidato ng koalisyon sa pagkasenador ay sina Teacher France Castro, Rep. Arlene Brosas, Jerome Adonis, Liza Maza, Ronnel Arambulo, Teddy Casiño, Danilo Ramos, Jocelyn Andamo, Mody Floranda, Mimi Doringo, at Amirah Lidasan. Pangungunahan naman ni Atty. Neri Colmenares ang Bayan Muna Party-list, ni dating Rep. Sarah Elago ang Gabriela Women’s Party, ni dating Rep. Antonio Tinio ang ACT Teachers Party-list at Atty. Renee Co ang Kabataan Party-list.

Sa pagtitipon, nagbigay ng mensahe ng pakikiisa ang kandidato sa pagkasenador na si Francis “Kiko” Pangilinan. Nagpahayag naman ng buong suporta sa mga kandidato ng koalisyon ang bagong-tatag na Health Workers Party-list. Unang nominado ng partido si Robert Mendoza, isang kumadrona at pambansang pangulo ng Alliance of Health Workers.

Ang kumbensyon ay pormal na isinara nina Ka Satur Ocampo, isa sa mga haligi ng koalisyon at tumatayong president emeritus nito, at Rep. Raoul Manuel, isa sa mga bagong halal na tagapangulo ng Makabayan.

Naghain ng sertipiko ng kandidatura ang mga kandidato pagkasenador ng Makabayan noong Oktubre 4.

Laban sa lokal. Magpapatakbo rin ng ilang kandidato ang koalisyon sa antas lokal. Noong Setyembre 30, inianunsyo ng Koalisyong Makabayan-National Capital Region (NCR) ang anim na kandidato nito sa pagkakonsehal sa Caloocan District 1, Marikina District 2, Valenzuela District 2, Muntinlupa District 1, at Taguig District 1. Ipinakilala sila sa panrehiyong asembliya sa Sta. Mesa, Manila.

Ayon sa Makabayan-NCR, pagkakataon ang eleksyong 2025 para itampok ang mga isyung pambayan ng mga demokratikong sektor sa rehiyon. “Mula Senado hanggang konseho, taumbayan ipanalo!” ang panawagan ng grupo.

Kandidato ng mga Marcos at Duterte

Kabaligtaran sa tiket ng Makabayan, ipinakilala ng rehimeng Marcos ang mga manok nito sa senado sa darating na eleksyong 2025 sa inilunsad na pampulitikang pagtitipon noong Setyembre 26 sa Pasay City. Kabilang sa 12 kandidato pagkasenador ng administrasyon ang mga kilalang panginoong maylupa, burgesyang kumprador, at burukratang kapitalista mula sa mga dinastiyang pampulitika.

Ang mga manok ni Marcos ay nakapailalim sa bagong lunsad na “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” na kinabibilangan ng limang partido. Nagsama-sama ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP) at National Unity Party (NUP) para buuin ang pusakal na koalisyon.

Ipinakikita ng alyansa ang nagkakaisang pagyuko kay Marcos ng ilang partidong pampulitika, subalit inaasahan ng PKP na madali rin itong mabubuwag tulad ng “uni-team” ni Marcos sa mga Duterte noong 2022. Pare-pareho silang itinutulak ng makasariling interes na makihati sa pakinabang sa korapsyon at pribilehiyo, at malao’y magkakanya-kanya sa paghahabol sa kani-kanilang interes pampulitika.

Samantala, magpapatakbo ang pangkating Duterte ng di bababa hindi bababa sa apat na kandidato sa pagkasenador sa ilalim ng partido nitong PDP-Laban.

Koalisyong Makabayan, babangga sa mga dinastiya at trapo sa eleksyong 2025