Pandaigdigang kongreso kontra pasismo at neopasismo, inilunsad sa Venezuela

,

Hindi bababa sa 1,200 delegado, kabilang ang 500 indibidwal mula sa 95 bansa ang dumalo sa inilunsad na kauna-unahang “Congreso Mundial contra el Fascismo, el Neofascismo y Expresiones Similares” (Pandaigdigang Kongreso laban sa Pasismo, Neopasismo at mga Katulad) sa Caracas, Venezuela noong Setyembre 10-11. Isa sa mga inimbitahan at dumalo rito ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Mula sa Venezuela, dumalo ang mga lider panlipunan at pampulitika ng 23 estado at 3,900 konseho ng mga komuna (mga lokal na organo ng pamamahala na nakabase sa mga organisasyong pampayanan). Kasama rin ang mga organisasyong masa, kilusang panlipunan, mga akademiko at intelekwal, organisador at mga aktibista mula sa Latin America, Carribean, Asia, Africa, Middle East, Europe, United States, at Canada. Naroon din ang mga diplomatikong kinatawan ng gubyerno ng Cuba, Nicaragua, Bolivia, People’s Republic of China at Federal Russian Republic.

“Malugod na pinaunlakan ng NDFP ang imbitasyon ng anti-imperyalistang gubyerno ng Venezuela dahil na rin sa malaking potensyal na makausap at makasalamuha ang mga gubyerno, pambansang kilusang mapagpalaya at mga organisasyong masa na lumalaban kontra sa imperyalismong US at mga kaalyado nito na pawang mga delegado rin sa nasabing kongreso,” kwento ng kumatawan sa NDFP sa pagtitipon. Sa nakaraang mga taon, regular na nakikipag-ugnayan ang gubyerno ng Venezuela sa NDFP at lagi nitong tinitiyak na may kinatawan ito sa mga aktibidad na idinadaos sa bansa.

Ang pagdalo ng NDFP ay ng pakikiisa rin ng rebolusyonaryong kilusang Pilipino sa gubyernong Maduro laban sa patuloy na pang-aatake ng imperyalismong US.

Kasama ng Cuba, isa ang Venezuela sa mga pangunahing pwersa sa Latin America na lumalaban sa imperyalismong US. Sa mahabang panahon, bigo ang imperyalismong US na patumbahin ang anti-imperyalistang estado nito sa mga inilunsad nitong agresyon tulad ng mga pakanang kudeta, asasinasyon, nakalulumpong mga sangsyon sa ekonomya, at pakikialam sa mga halalan. Nais ng US na baligtarin ang nasyunalisasyon ng mga susing industriya ng Venezuela, pangunahin ang industriya ng langis. Nais din ng US na tanggalin ang iba pang makamasang patakaran na ipinatupad ng dati nitong presidente na si Hugo Chavez, na pinapaunlad ng kasalukuyang gubyerno ni Nicolás Maduro. Gumagampan ng mahalagang papel ang gubyernong Maduro sa pagbubuo ng isang malawak na nagkakaisang prente laban sa imperyalismong US sa Latin America at Carribean.

Idinaos ang kongreso sa harap ng nagpapatuloy na paglaban ng mamamayang Venezuelan sa pakikialam ng US sa nagdaang eleksyon, kung saan nanalo si Maduro sa pangatlong pagkakataon. Sa paglaban na ito, muling ipinamamalas ng mamamayang Venezuelan ang kanilang katatagan para ipaglaban ang kanilang soberanya at karapatan laban sa mga dayuhang panghihimasok.

“Mayor na resolusyon ng kongreso ang pag-unawa na ang imperyalismong US at ang mga alyado nito ang komun na kaaway ng mamamayan sa buong mundo,” ayon sa kinatawan ng NDFP. “Napagkaisahan dito ang pangangailangan para sa mga pinagsasamantalahan at inaaping mamamayan na labanan ang pandaigdigang trend ng pasismo na bunsod ng krisis ng imperyalismo.”

Itinatag dito ang International Anti-Fascist Front na magsisilbing bagong pandaigdigang alyansa na tututok sa paglaban sa pasismo. Layunin nitong pag-isahin ang mga pagsisikap ng iba’t ibang bansa at komunidad para labanan ang mga banta ng mga ekstremistang ideolohiya.

“Isang internasyunal na kampanya laban sa imperyalistang interbensyon at panunupil ang ilulunsad ng mga dumalo,” ayon sa kinatawan. “Kapaki-pakinabang pareho sa mga Venezuelan at Pilipino ang pagbubunyag at paglaban sa imperyalismong US. Maliban sa mutwal na suportang pulitikal, maari ring mapaunlad pa ang ibang porma ng pagtutulungan.”

Habang nasa bansa, binisita ng mga delegado ang mga komuna na nangangasiwa sa produksyon sa agrikultura, gawang-kamay at iba pang produksyon ng elektronikong mga gadyet. Ipinamalas dito ang kakayahan ng Venezuela na itaas ang lokal na produksyon ng mga produktong pangkonsumo sa harap ng nakapipilay na mga sangsyon ng US at European Union.

Mainit na tinanggap ng maraming Venezuelan at delegado ng kongreso sa NDFP. “May ilang nagpahayag na bilib sila sa Communist Party of the Philippines,” kwento niya.

Pandaigdigang kongreso kontra pasismo at neopasismo, inilunsad sa Venezuela