Walang-maliw na pakikibaka para palayain ang Palestine

,

Isang taon mula ilunsad ng Zionistang Israel, sa suporta ng imperyalistang US, ang pinatinding kampanya ng henosidyo laban sa mga Palestino sa Gaza Strip, Palestine, patuloy ang magiting na paglaban ng iba’t ibang mga organisasyon ng mga Palestino para biguin ang pananalakay at tuluyang palayain ang kanilang bansa. Armas ng mga Palestino ang armadong pakikibaka, mga kilusang masa ng iba’t ibang mamamayan sa buong daigdig, pakikipag-ugnayan sa internasyunal na mga korte at iba pang mga katulad na aksyon.

Armadong paglaban

Sa nagdaang taon, tuluy-tuloy na inilunsad ng mga armadong grupong Palestinian sa Gaza Strip ang pag-atake sa sumasalakay na Israeli Defense Forces (IDF). Sa huling tala, hindi bababa sa 715 mga upisyal at sundalong Israeli, mayorya sakay sa portipikadong mga tangke, ang napaslang sa mga ito. Ang mga pag-atakeng ito ay pinangungunahan ng Izz ad-Din al-Qassam Brigades, ang armadong bisig ng grupong Hamas ng Palestine, sa suporta ng iba pang mga grupo sa Gaza at okupadong West Bank.

Ang mga ito ay bahagi ng Operation Al-Aqsa Flood na sinimulan noong Oktubre 7, 2023 laban sa terorismo ng Israel. Nagsimula ito sa pagpapakawala ng halos 5,000 misayl na tumarget sa mga base at pwersang militar ng Israel. Ayon sa Hamas, ang atake ay isang depensibong armadong aksyon na tugon sa 75-taon nang pagdurusa ng kanilang mamamayan.

Gumagamit ang al-Qassam Brigades ng mga taktikang gerilya, kakumbina ang kaalaman sa tereyn at ilang abanteng kagamitang pandigma tulad ng sumasabog na mga drone at anti-tank missile, para patamaan ang mananakop na pwersa ng Israel sa Gaza Strip.

Bilang suporta at pagkilala sa Palestine, naglulunsad din ng armadong atake ang mga grupo tulad ng Houthi ng Yemen, Hezbollah ng Lebanon at ilan pang iba para pilayin ang kakayahan at suportang militar na pumapasok sa Zionistang Israel.

Itigil ang henosidyo

Sa harap ng pagpulbos ng Zionistang Israel sa Gaza Strip, bumuhos ang internasyunal na suporta sa panawagang itigil ang henosidyo at ganap na palayain ang Palestine sa pananakop. Tuluy-tuloy ang panawagan para sa tigil-putukan para isalba ang mga sibilyan.

Kabilang dito ang higanteng mga rali katulad ng 300,000 demonstrasyon sa United Kingdom noong Nobyembre 2023; mga kampuhan ng mga estudyante sa hindi bababa sa 130 unibersidad sa United States, France, Australia, Japan at iba pa; ang kampanyang Boycott, Divestment, Sanctions (BDS) laban sa mga korporasyong sangkot sa henosidyo ng Israel at iba pang tipo ng pagkilos.

Sa Pilipinas, inilunsad ng mga grupong pambansa-demokratiko sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Philippines-Palestine Friendship Association ang mga protesta ng pagsuporta sa Palestine at panawagang wakasan ang henosidyo ng US-Israel dito. Noong Oktubre 5, muling nagsagawa ng protesta ang Bayan malapit sa embahada ng US para gunitain ang isang taon nang henosidyo sa Gaza. Itinatag rin sa maraming bahagi ng bansa ang mga network ng mga organisasyong sumusuporta sa Palestine. Kinalinga at kinanlong ng ilang mga grupo ang mga Pilipino at Gazan na nataboy mula sa Gaza Strip tungo sa Pilipinas.

Mismong ang International Court of Justice (ICJ), ang pangunahing organo sa hustisya ng United Nations (UN), ay ilang ulit nang naglabas ng mga desisyon na dapat ihinto ang mga pag-atake at “kaagad na tanggalin” ang mga pwersang mananakop ng IDF sa mga teritoryong ito ng Palestine.

Natulak na rin ng brutal na kaganapan sa Gaza ang UN Security Council na mag-endorso ng isang resolusyon noong Hunyo 11 para sa yugtu-yugtong pagpapatupad ng tigil-putukan sa Gaza. Ang planong ito ay pekeng itinulak ng US para labusawin ang kriminal na responsibilidad sa henosidyo. Umani ito ng 14 na boto sa naturang konseho at isang absteyn.

Kaugnay nito, mismong ang Hamas ay sumusuporta sa posibleng tigil-putukan ngunit anila, dapat nakatuntong ito sa permanenteng pag-atras ng Israel mula sa kanilang lupain. Tahasan itong tinanggihan ng Zionistang Israel sa mga batayang ito at sa halip higit pang pinatitindi ang mga pag-atake.

Walang-maliw na pakikibaka para palayain ang Palestine