Balita

₱650 milyong intel funds ni Sara Duterte, pinatatanggal

,

Kabi-kabilang batikos ang sinapit ng pagmamatigas ni Sara Duterte kaugnay sa ₱650 milyong hinihingi niyang “pondong paniktik” (₱150 milyon sa badyet ng Department of Education at ₱500 milyon sa badyet ng Office of the Vice President). Dahil dito, ipinatatanggal ito ng mga minoryang senador at kinatawan sa kongreso.

Marami ang nagkwestyon sa hinihinging pondo ni Duterte, laluna sa ngalan ng sektor ng edukasyon. Pinansin nila na mas mataas ito nang ₱9 na milyon sa badyet ng National Intelligence Coordinating Agency, ang ahensyang nakatuon sa paniniktik, na nasa ₱141 milyon lamang.

Ilang beses nang binatikos ng mga mga kongresista sa blokeng Makabayan ang mga intel fund ni Duterte at kumilos para ipatanggal ito sa panukalang badyet. Gayunpaman, kara-karaka itong ipinasa ng mga alipures ng rehimeng Marcos-Duterte sa kamara.

“Hindi saklaw ng DepEd ang pambansang seguridad,” ayon kay Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senado sa badyet nito noong Oktubre 4. Gayundin ang pananaw ni Rep. Edcel Lagman na nagsabing hindi isang “ahensyang paniktik” ang DepEd.

Sa nakaraang mga rehimen, kapwa walang sariling pondong paniktik ang upisina ng bise presidente at DepEd. Gayunpaman, naging kalakaran na ng upisina ng presidente at maraming ahensya na humingi ng kani-kanilang pondong paniktik dahil hindi obligadong iulat kung saan at paano ito ginagasta. Hindi ito ipinaiilalim sa pagtutuos ng Commission on Audit.

Samantala, ibinunyag ni Rep. Lagman na umaabot sa ₱9.29 bilyon ang kabuuang halaga ng mga “confidential fund” (o sikretong pondo, kabilang ang mga intel fund) na nakasingit sa badyet ng iba’t ibang ahensya at upisina ng gubyerno. Kabilang dito ang upisina ng presidente na humihingi ng ₱4.6 bilyong pondong paniktik at confidential.

“Mas mataas pa ito sa nakalaan sa mga maraming upisina at departamento, tulad ng mga komisyong independyente,” ani Lagman.

AB: ₱650 milyong intel funds ni Sara Duterte, pinatatanggal