Balita

1.3 milyong pamilya, inilaglag sa 4Ps

Balak isalang ng mga mambabatas sa isang pagdinig ang pagtanggal ng kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Erwin Tulfo sa 1.3 milyon hanggang 2 milyong pamilyang Pilipino mula sa listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program).

Kinukwestyon ng mga mambabatas ang katwiran ni Tulfo na “gumradweyt” na mula sa pagiging lubos na mahirap ang mga ito kaya hindi na sila nararapat gawaran ng kakarampot na benepisyo. Hindi naniniwala ang ilang mambabatas na “nakaahon na sa kahirapan” ang ganoon kadaming pamilya. Ito ay sa harap ng mabagal na pagbangon ng ekonomyang winasak ng halos 2-taong lockdown at sumisirit na mga presyo ng pagkain, pamasahe at singil sa mga serbisyong publiko,

Ayon sa DSWD, tatanggalin sa listahan ng mga benepisyaryo ang sumusunod: 1) mga pamilyang wala nang anak na mas bata sa 18-taong gulang; 2) mga pamilyang kumikita ng ₱12,000 o mas mataas pa kada buwan; 3) mga pamilyang pitong taon nang benepisyaryo; 4) mga lumabag o di sumunod sa mga kundisyon ng 4Ps; at 5) mga kusang nagpatanggal sa listahan bilang benepisyaryo. Dahilan ni Tulfo, makatitipid umano ang estado ng ₱15 bilyon kung magbabawas ito ng mga benepisyaryo. Pinag-away-away pa niya ang mga benepisyaryo sa pag-engganyo sa kanila na i-report ang kapwa benepisyaryo na sa tingin nila ay “hindi karapat-dapat” makatanggap na ayuda. Umani ng batikos ang estilong “Makapili” na pakanang ito.

Ayon sa mga mambabatas ng blokeng Makabayan, lubhang napakababa ang itinakdang sukatan ng hindi na naghihirap na ₱12,000 kada buwan para sa pagkain at lahat ng iba pang pangangailangan.

Binanggit nila ang sarbey ng Social Weather Station noong pangalawang kwarto ng 2022 kung saan umabot sa 12.2 milyong pamilya ang nagsabing sila ay naghihirap, mas mataas kumpara sa 10.9 milyon noong unang kwarto ng taon. Ibig sabihin, nadagdagan ng 1.3 milyon ang mga pamilyang nagsasabing sila’y naging mahirap — kasingdami ng gustong ilaglag ng DSWD mula sa 4Ps.

Tinawag ng mga mambabatas na “instawid” o instant tawid ang pakana ni Tulfo.

Anila, dapat pa ngang lawakan ng estado ang binibigyan nito ng ayuda, laluna sa harap ng nagtataasang presyo, bagsak na halaga ng sahod at laganap na disempleyo

“Kami sa Gabriela ay lagi nang nagpupuna sa mga limitasyon ng 4Ps bilang bigong programa laban sa kahirapan,” ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas. “Pero sa panahon ng matinding krisis, ang ganitong mga programa ang sumasalba sa nahihirapang mga Pilipino. Kaya malaking usapin ang pagbabawas sa bilang ng benepisyaryo nito.”

Ang 4Ps ay lokal na bersyon ng programang “conditional cash transfer” ng World Bank na ilang ulit nang napatunayang di epektibo sa paglaban sa kahirapan sa ibang bansa. Inilunsad ito ng rehimeng Gloria Arroyo noong 2008, pinalobo ng rehimeng Aquino II at ininstitusyunalisa ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng pagpasa ng Republic Act No. 11310 noong 2019. Nakasalalay ang pondo nito sa utang na umaabot na sa bilyun-bilyon. Pagbabayaran ng bansa ang mga utang na ito sa loob ng mahabang panahon.

AB: 1.3 milyong pamilya, inilaglag sa 4Ps