$100M ayuda militar ng US kay Marcos Jr, kinokontra
Kinundena ng mga progresibong Pilipino sa US, sa pangunguna ng Bayan-USA, ang planong pagbibigay ng gubyernong Biden sa US ng $100 milyong ayudang militar sa rehimeng Marcos Jr. “(Pinatutunayan) nito na sangkot at aktibong tagasulsol ang imperyalismong US sa lumalalang krisis sa karapatang-tao sa Pilipinas,” ayon sa pahayag ng grupo noong Oktubre 19.
“Sangkot ang US sa pagpapalakas ng terorismo ng estado (ng Pilipinas) sa pagpapadala nito ng milyun-milyong salapi ng mamamayang Amerikano para tustusan ang madudugong aktibidad habang tumatabo ng kita sa pamamagitan ng pagbebenta ng armas,” ayon sa grupo.
Anito, hindi nakakalimot ang mamamayan sa di mabilang na mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, okupasyon ng militar sa mga komunidad ng magsasaka at pambansang minorya, red-tagging at iba pang abuso sa ilalim ng mamamatay-taong rehimeng Duterte, na nagpapatuloy sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos.
Kinumpirma ni MaryKay Carlson, US ambasador sa Pilipinas, noong Oktubre 16 ang pagbibigay ng gubyernong US sa rehimeng Marcos Jr ng $100 milyong ayuda o ₱5.8 bilyon sa ilalim ng programang Foreign Military Financing. Gagamitin ang naturang pondo para “makabili” ang Pilipinas ng dalawang CH-47F Chinook na helikopter o dagdag na jefighter. Ang Chinook ay gawa ng kumpanyang Boeing, isa sa Amerikanong kumpanyang militar na pinakanakikinabang sa imperyalistang mga gera ng US sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ang Pilipinas ang pinakamalaking benepisyaryo ng ayudang militar ng US sa Asia. Mula 2015, nagbuhos ito ng $1.14 bilyong halaga ng mga eroplano, sasakyan, armas at iba pang mga kagamitang-militar sa Armed Forces of the Philippines. Ang mga ito ay ginagamit sa kontra-insurhensyang gera ng estado na bumibiktima ng daanlibong mga magsasaka at maralitang sektor sa kanayunan at mga pambansang minorya. Pinakahuling dumating na armas ng AFP ang 12 ATMOS 2000 mula sa kumpanyang Elbit ng Israel. Walo sa mga ito ay dinala na sa Mindanao.
Iginiit ng Bayan-USA at mga kaalyado nitong organisasyon na ipasa na ng Kongreso ng US ang Philippine Human Rights Act na naglalayong ilimita ang ayudang militar ng US sa Pilipinas, at imbestigahan ang laganap na pang-aabuso sa mga karapatang-tao sa bansa. Sa kagyat, panawagan nila ang pagtigil ng ayuda sa AFP, itigil ang pamamaslang at panagutin ang mga upisyal ng reaksyunaryong estado sa mga krimen nito sa mamamayan.