11 bata, patay sa aerial strike ng huntang militar sa Myanmar

,

Labing-isang bata ang patay sa pang-iistraping ng mga pwersa ng Tatmadaw sa Let Yet Kone sa bayan ng Tabayin, Saigan sa bansang Myanmar noong Setyembre 16. Kaagad na sinunog ng mga sundalo ang mga bangkay para itago ang karumal-dumal na krimen. Ang naturang eskwelahan ay may 240 estudyante, at may mga klase ng kinder hanggang Grade 8.

Ayon sa ulat sa pahayagang Irrawaddy, dalawang Mi-35 na helikopter ang nagpaulan ng bala sa isang eskwelahang Buddhist, bandang ala-una ng hapon. Pitong bata ang agad na napatay, habang tatlong guro at 14 pang estudyante ang sugatan. Dalawang bata ang napatay nang salakayin ng mga sundalo ang kanilang komunidad.

Ayon sa mga residente, lasog-lasog ang mga bangkay ng mga batang napatay. Nagkalat ang mga bahagi ng tao sa eskwelahan at duguan ang buong paaralan. Kinuha ng mga sundalo ang mga bangkay ng mga bata at sinunog kinabukasan. Kinuha din ng mga sundalo ang mga sugatan at pinaniniwalaang pinatay din ang mga ito.

Pinagbintangan ng hunta na sumusuporta ang naturang paaralan sa People’s Defense Forces at Kachin Independence Army. Ikinalat din nila ang kasinungalingang ginamit ng PDF at KIA ang mga bata bilang panangga sa mga atake. Pero ayon sa mga residente, isang panig lamang ang atake at walang sagupaang naganap.

Tatlo pang bata ang pinatay ng mga sundalo ng Tatmadaw sa nakaraang linggo. Dalawa sa kanila ay nagsangtwaryo sa isang monasteryo sa Moebye sa hangganang Shan-Kayah, at isa sa Kantbalu, sa rehiyon ng Sagaing.

Umaabot na sa 260 atake sa mga eskwelahan at mga personel ng edukasyon ang naitala ng United Nations mula nang agawin ng militar ang estado poder ng Myanmay noong Pebrero 2021. Ang insidenteng ito ang may pinakamataas na bilang ng kaswalti sa ulat nito.

AB: 11 bata, patay sa aerial strike ng huntang militar sa Myanmar