1979: “Sumasahimpapawid ang katotohanan”
Di nagpakupot ang mga rebolusyonaryo sa mga limitasyong ipinataw ng batas militar sa malayang pamamahayag. Noong Enero 1, 1979, sumahimpapawid sa unang pagkakataon ang Radyo Madyaas, radyo ng nakikibakang mamamayan sa Panay.
Mula sa Ang Bayan, Tomo X1 Bilang 3, Pebrero 15, 1979
Nagbrodkas sa Panay ang Radyo Madya-as
Isang mapanlabang palatuntunan sa radyo ang narinig buhat sa kabundukan ng Panay noong Enero 1.
Radyo Madyaas ang bagong palatuntunan ng pambansa demokratikong kilusan sa Kanlurang Kabisayaan. Narinig ito sa dalawang magkahiwalay na transmisyon na tumagal ng tatlong oras.
Ayon sa Daba-daba, pahayagang masa sa Aklan at hilagang Antique, ang unang brodkas ng Radyo Madya-as ay sa Aklanon, Ilonggo, Pilipino at Ingles, ala 1:10 n.u. Tinalakay ang mga balita at komentaryong halaw sa mga rebolusyonaryong pahayagan. Nagparinig din ng mga tula at awiting rebolusyonaryo na ang diwa ay ipinaliliwanag ng anawnser.
Ang ikalawang brodkas ay sa Ingles, alas 3:15-4:50 n.u. Tinalakay naman dito ang ukol sa “lokal na eleksyon” ng diktadurang EU-Marcos, ang mga pakana ng reaksyuanaryong estado upang sugpuin at durugin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa lunsod at kanayunan, at mga balita sa labas ng bansa.
Nagdiwang ang masa sa pagkakaroon ng palatuntunan sa radyo na nauukol at nagsisilbi sa kanila.