Balita

2-dekadang desaparasidong mga organisador, patuloy na hinahanap

,

Patuloy ang paghahanap ng mga kamag-anak, mga kapwa organisador, aktibista at tagasuporta kina Honor Ayroso at Johnny Orcino, mga aktibista at dating bilanggong pulitikal na dinukot ng mga militar noong Pebrero 9, 2002.

Dinukot sina Ayroso at Orcino sa Encarnacion Subdivision, Barangay Sto. Niño 1st, San Jose City, Nueva Ecija ng mga armadong lalaki na hinihinalang elemento
ng 71st IB.

Ayon kay Aleli Dee Ayroso, asawa ni Honor, “ang mga pwersa sa seguridad ng estado lamang ang may motibo, pamamaraan at kakayahan na dukutin ang dalawa. Ginawa nila ito noong panahon ng batas militar ni Marcos, at nakita natin kung ilan pang aktibista ang iwinala sa panahon ni Gloria Arroyo, at maging ngayon sa panahon ni Duterte.”

Sina Ayroso at Orcino ay dating mga aktibistang estudyante. Naging kasapi ng League of Filipino Students si Ayroso sa Wesleyan University-Philippines sa Cabanatuan City noong dekada 1980. Si Orcino ay naorganisa noong dekada 1970 habang isang mag-aaral sa Central Luzon State University.

Nagpahayag ang Anakbayan-Nueva Ecija at iba pang mga organisasyon na patuloy nilang igigiit ang paglitaw sa dalawa at hustisya para sa sa kanila.

“Wala mang katiyakan kung nasaan sila at sila man ay nawawala, nananatili silang buhay at ang kanilang iniwang punla ng puspusang pakikibaka ay patuloy na pasisibulin sa prubsinya,” pangako ng grupo.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, hindi bababa sa 19 ang dinukot ng estado at nananatiling nawawala hanggang sa ngayon.

AB: 2-dekadang desaparasidong mga organisador, patuloy na hinahanap