Balita

2 dinukot na mga aktibistang pangkalikasan sa Pangasinan, inilitaw na

,

Tatlong araw kasunod ng tuluy-tuloy na paghahanap ng mga kaanak, kaibigan at kasama nina Francisco “Eco” Dangla III at Joxelle “Jak” Tiong, natulak ang mga pwersa ng estado na ilitaw ang dalawa. Iniulat ng Surface Eco & Jak Network kahapon, Marso 27, na “wala na sa kamay ng mga dumukot sa kanila ang dalawa, may mga pasa, pero buhay.” Dinukot sina Tiong at Dangla sa Barangay Polo, San Carlos City, Pangasinan noong Marso 24 nang alas-8 ng gabi.

Sa pahayag ng network, sinabi nitong bumabawi pa ang dalawa mula sa napakasakit na karanasan, gayunman, magagawa nilang “buong isalaysay ang detalye ng pagdukot sa kanila at ang pagpapakawala sa kanila.” Nagbanta rin ang mga grupo sa karapatang-tao na dapat nang “tumigil sa kahit anong tangka ng ibayong paghaharas ang mga dumukot sa kanila.”

Sa salaysay ng mga saksi, dinukot ang dalawa matapos harangin ng isang SUV ang traysikel na sinasakyan nila. Dalawa hanggang tatlong tao mula sa SUV at isa pang sakay ng isang motorsiklo ang nambugbog at nagsakay sa kanila sa sasakyan, ayon sa mga saksi. Naiwan pa umano sa lugar na pinangyarihan ang piraso ng tela na napunit mula sa damit ng mga biktima. Narinig din ang pagsigaw ni Tiong na humihingi ng tulong.

Si Dangla, 39, ay dating estudyante ng University of the Philippines at kasalukuyang tumatayong tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Pangasinan. Habang si Tiong, 29, gradweyt ng Universidad de Dagupan ay koordineytor ng Kabataan Partylist sa prubinsya. Pareho silang tagapagtipon ng Pangasinan People’s Strike for the Environment, grupong naninindigan laban sa planong black sand mining at pagtatayo ng nuclear power plant sa prubinsya.

Bago pa man ang insidente, sina Tiong at Dangla ay ipinailalim ng mga pwersa ng estado sa walang tigil na Red-tagging, pagmamanman, intimidasyon at iba pang porma ng panggigipit. Katulad ito ng karaniwang padron ng panggigipit at kasunod na pagdukot sa mga aktibista at progresibo.

“Ipinapaabot namin ang aming pasasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa panawagang ilitaw [ang dalawa]. Napakahalaga ng mabilis at desididong pagkilos ninyo sa pagharap sa mapanghamong panahon na ito,” ayon pa sa network.

Nanawagan sila ng hustisya sa nangyari sa mga biktima at giit na papanagutin ang mga sangkot at nanguna sa pagdukot kina Dangla at Tiong. “Ang padron ng mga pag-atakeng ito sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga komunidad…ay nagsisiwalat sa kakila-kilabot na kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Marcos,” pagtatapos ng network.

AB: 2 dinukot na mga aktibistang pangkalikasan sa Pangasinan, inilitaw na