2 eskwelahan, binomba ng hunta militar ng Myanmar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tatlong bomba ang inihulog ng hunta militar ng Myanmar sa dalawang eskwelahan at upisina ng direktor ng naturang eskwelahan sa Hsenwi (Theinni) Township, Shan State noong Hulyo 12, bandang ala-una ng madaling araw. Natupok ang lahat ng pasilidad ng naturang mga eskwelahan, ayon sa mga residente doon. Pinatatakbo ang mga ito ng Myanmar National Democratic Alliance Army (MNDAA) ng minoryang Kokang.

Dagdag ang pambobombang ito sa mahabang listahan ng mga krimen ng digma at ibang seryosong paglabag ng hunta sa internasyunal na makataong batas.

Sa simula ng Hulyo, dumalas ang pagpapalipad ng hunta ng mga eroplanong pandigma sa Hsenwi. Dahil dito, natulak ang mga residente na magbakwit sa takot na mabomba, at nanirahan na lamang sila sa kanilang mga sakahan. Sa taya ng mga residente, sadyang binomba ang eskwelahan dahil sa tantya ng hunta na may malapit na mga tropa ng MNDAA sa lugar.

Ang MNDAA ay bahagi ng Three Brotherhood Alliance (3BA) na aktibong nagtataboy sa mga pwersa ng hunta militar sa kanilang mga teritoryo. Noong Oktubre 2023, isinagawang 3BA ang Operation 1023, isang malawakang opensiba sa Shan State. Mahigit 10,000 mandirigma mula sa iba’t ibang bayan ang pinakilos para atakehin at okupahin ang mga kampo at detatsment ng mga pwersa ng hunta. Dahil sa laki, bilis at mataas na koordinasyon, naagaw ng 3BA ang ilang susing bayan sa hangganan ng Myanmar at China. Kabilang sa mga bayan na ito ang Hsenwi. Kasama ang MNDAA, binubuo ang 3BA ng Arakan Army at Ta’ang National Liberation Army.

AB: 2 eskwelahan, binomba ng hunta militar ng Myanmar