Dalawang taon makalipas ang pagpapasara sa ABS-CBN #2mindig para sa kalayaan sa pamamahayag
Nagtipon ang iba’t ibang mga grupo ng mga mamamahayag at tagasuporta nila sa Boy Scout Circle, Quezon City kahapon ng gabi, Mayo 5, bilang paggunita sa ikalawang taon ng pagkait sa prangkisa ng ABS-CBN sa desisyon ng kongreso at basbas ni Duterte.
Nagtirik ng kandila, nagbahagi ng mga karanasan at talumpati ng pakikiisa ang mga dumalo sa protesta. Pinamunuan ang pagkilos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Ayon sa NUJP, pinipili nilang alalahanin ang nangyari para makapagpatuloy sa paglaban at pagtindig para sa kalayaan sa pamamahayag. Inaalala nila at nakikiisa sila sa mga kapwa mamamahayag na nawalan ng trabaho at napilitang tumigil magtrabaho bilang midya dahil sa pagpapasara sa naturang istasyon.
Tinatayaang aabot sa 11,000 empleyado at manggagawa ng istasyon ang nawalan ng trabaho matapos itong tanggalan ng prangkisa. Dagdag pa rito ang milyun-milyong Pilipinong natanggalan ng pagkakataon na masilayan ang mga palabas ng istasyon sa libreng telebisyon sa himpapawid.
Malinaw sa mga dumalo sa protesta na bagaman dalawang taon na ang nakalipas, pareho ang kanilang panawagan at lalo pang ibinabandila: Kalayaan sa pamamahayag, ipaglaban!
“Sa gitna ng dilim, tayo’y titindig at maglilingkod pa rin,” ayon sa grupo.
Kaugnay nito, ikinakampanya ng NUJP na huwag iboto sa darating na eleksyon ang mga nagtanggal sa prangkisa ng ABS-CBN na tinawag niitong mga “franchise killer.” Pitumpung (70) mga mambabatas ang bumoto laban sa prangkisa ng ABS-CBN noong 2020, at 58 sa kanila ang muling tumatakbo sa eleksyong Mayo 9.
Kaugnay nito, muli ring ipinabatid ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pakikiisa sa paglaban para kalayaan sa pamamahayag. Ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido, “Ano pa kaya ang mas matinding pagyurak sa kalayaan ng bayan kung ang mga tagapagmana ng tirano at diktador ay magtatagumpay sa kanilang masamang iskema?
“Nawalan man ang ABS-CBN ng tahanan sa himpapawid, tiwala kaming hindi ito mawawala sa puso ng bawat Pilipino,” ayon sa pahayag ng NUJP ABS-CBN Executive Board.