3 Mangyan sa Oriental Mindoro, inaresto ng 203rd IBde

,

Tatlong katutubong Mangyan ang iligal na inaresto ng mga sundalo ng 203rd IBde sa Oriental Mindoro noong ikalawang linggo ng Hulyo. Nananatili silang nakakulong sa mga kasong kriminal na arbitraryong isinampa ng mga pwersa ng estado laban sa kanila.

Noong Hulyo 11, inaresto ng 203rd IBde ang sityo lider ng Sityo Lukban, Barangay Panaytayan, Mansalay na si G. Itaw Ramunyan. Idinadawit siya sa naganap na labanan ng isang yunit ng 203rd IBde at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa naturang sityo noong umaga ng araw na iyon.

Ilang araw matapos nito, inaresto’t ikinulong ng mga sundalo ang dalawa pang Mangyan-Hanunuo kasama ang dalawa nilang pasahero habang nasa byahe sa Sityo Tambangan, San Roque, Bulalacao. Hinarang sila sa isang tsekpoynt ng militar at ikinulong sa arbitraryong paratang na ang kanilang mga pasahero ay mga kasapi ng BHB.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa inilalabas ng militar ang pagkakakilanlan ng dalawang katutubong kanilang dinakip o kahit anunsyo tungkol dito. Samantala, iniaunsyo ng 4th IB noong Hulyo 15 ang pagkakadakip sa mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka na sina Joy Laguardia at isa pang kasama noong Hulyo 13 sa bayan ng Bulalacao. Pinararatangan silang matataas na upisyal ng BHB at Partido Komunista ng Pilipinas.

Kinundena ng MINDORO, rebolusyonaryong organisasyon ng mga katutubong Mangyan, ang magkasunod na pag-aresto sa kanilang mga kapwa katutubo.

“Napakadaling mag-imbento ng gawa-gawang kaso ng berdugong 203rd Bde kapag ang nais nilang gipitin ay kaming mga katutubong Mangyan. Hindi na mabilang ang mga kaso bagamat malinaw sa aming alaala ang duguang kamay ng AFP-PNP kung sa pagtrato ng mga katutubong Mangyan pa lamang ang pag-uusapan,” pahayag ng grupo.

“Nananawagan kami sa aming kapwa Mangyan na igiit natin ang paglaya ng nakakulong nating kapwa katutubong kasamahan, at habang nasa kulungan ay dalawin sila. Ipaabot natin ang hinaing at mga kahilingan sa kinauukulan para sila ay mapalaya,” dagdag pa ng grupo. Iginiit rin ng grupo ang kaagad na pagpapalaya sa tatlo nilang mga kapwa katutubo. Nakakulong ang mga biktima sa Roxas District Jail, Oriental Mindoro.

AB: 3 Mangyan sa Oriental Mindoro, inaresto ng 203rd IBde