3 sundalo ng 203rd IBde, napaslang sa aktibong depensa ng BHB-Mindoro

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang pag-atake ng 203rd IBde sa isang yunit nito sa Sityo Lukban, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Hulyo 11. Sa ulat ng BHB-Mindoro, tatlong sundalo ng 203rd IBde ang napaslang sa labanan habang mayroon pang ibang nasugatan sa mga ito.

Nagsimula ang sagupaan ng alas-6:05 ng umaga at tumagal ng 20 minuto. Isang Pulang mandirigma ang nasugatan sa labanan.

Ang nag-ooperasyong tropa ng 203rd IBde na nakasagupa ng hukbong bayan ay bahagi ng laking-batalyong pwersa nito na sumasaklaw sa bayan ng Mansalay at Bulalacao. Sa focused military operation (FMO) ng 203rd IBde, gumagamit ito ng labis-labis na superyor na mga sandata, kagamitang pandigma at rekurso.

Nagsimula ang FMO ng 203rd IBde noong huling linggo ng Hunyo matapos ang palabas na engkwentro ng 4th IB, bahagi ng 203rd IBde, sa Barangay Benli, Bulalacao. Pinasinungalinan ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, ang sinasabi ng 4th IB na 10-minutong engkwentro at pagkakumpiska ng mga kagamitang militar.

Kasunod ng imbentong labanan, nagpakat ang 203rd IBde ng ilang kolum ng tropa sa interyor na mga barangay at bahagi ng Bulalacao at Mansalay. Sinaklaw ng maniobra ng mga tropang ito ang hangganan ng Mansalay at Roxas sa Oriental Mindoro at sa bahaging San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro. Nagpadala ang brigada ng mga helikopter bilang suportang pamutok at pangmaniobra ng kanilang pwersang pambanat.

Ang mga kampong militar na dati nang nakapwesto sa interyor at laylayan ng nasabing bayan ay nanatili at nagsilbing pangsuportang kolum sa mga nanghahalihaw na tropa. Nagtayo ang mga ito ng mga tsekpoynt sa mayor na mga kalsada.

Dahil di nila naggapi ang hukbong bayan, ginawang target ng militar ang mga magsasaka at katutubong Mangyan. Inaresto ng mga sundalo ang lider ng Sityo Lukban na si G. Itaw Ramunyan noong Hulyo 11. Sinundan ito ng pag-aresto sa dalawa pang Mangyan-Hanunuo sa Bulalacao.

Sa harap ng terorismo ng estado, idiniin ni Ka Madaay na “lalong nagagatungan ang galit ng mga Mindoreño sa mga pasistang sundalo dahil sa paulit-ulit na panghahalihaw ng FMO at RCSP sa mga komunidad ng Mangyan at magsasaka.”

Idineklara niyang patuloy na lalabanan at bibiguin ng mga rebolusyonaryong Mindoreño ang mga pag-atake ng 203rd IBde bilang ambag nito sa pagbigo sa kampanyang supresyon sa buong bansa. “Buo ang kapasyahan at puno ng kagitingan, nagpupunyagi ito sa landas ng paglaban dahil sa malawak na suporta ng mamamayan,” dagdag pa ng tagapagsalita.

AB: 3 sundalo ng 203rd IBde, napaslang sa aktibong depensa ng BHB-Mindoro