35 berdugong pulis ng India, napaslang sa pag-atake ng PLGA
Hindi bababa sa 35 elemento ng Central Armed Police Force (CAPF) ng reaksyunaryong estado ng India ang napaslang sa pag-atake ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) sa kampo nito sa Darmavaram sa erya ng Pamed, distrito ng Bijapur, estado ng Chhattisgarh noong Enero 16. Liban dito, 40 iba pang pulis ang malubhang nasugatan. Ang yunit ng pulis at kampo ay kilala sa mga paglabag sa karapatang-tao ng mga Adivasi at pagprotekta sa mga malalaking korporasyon na nandarambong sa mga kagubatan at lupa ng mga Adivasi.
Pinagpugayan ng Central Regional Bureau ng Communist Party of India (Maoist) ang naturang reyd at pagtatanggol sa mamamayang Adivasi. Ayon dito, nakapagbigay ng hustisya ang reyd dahil sa mga kaso ng panunupil ng mga pulis laban sa rebolusyonaryong mamamayan. Ang yunit ay bahagi din ng tinawag nitong “carpet security” sa erya.
Tugon din ang armadong aksyon sa bagong lunsad na kampanyang Operation Kagar sa rehiyon na bahagi ng pagpapatupad sa kontra-insurhensyang kampanya na Operation SAMADHAN-Prahar (OSP). Pinakikilos sa ilalim ng Operation Kagar ang may 3,000 pwersang paramilitar galing sa ibang estado ng India para ipakat sa anim na kampong paramilitar sa Abujmarh, kabundukan sa Chhattisgarh. Dagdag ito sa halos 10,000 pwersang paramilitar na nakapakat na sa lugar.
Sa ulat, nagsimula ang pag-atake ng alas-7:05 ng gabi. Gumamit ang PLGA ng mahigit 600 granada gamit ang grenade launcher at iba pang sariling likhang mga pampasabog. Bago ang mismong pag-atake sa kampo, kinontrol na ng mga gerilya ng PLGA ang palibot na lugar nito. Binarikadahan nila ang mga susing daanan gamit ang malalaking troso at pinakilos ang milisya para pasabugan ang rerespondeng mga yunit ng pulis.
“Determinado ang kaaway na itago ang kanilang pagkatalo para panatilihing mataas ang moral ng kanilang mga pwersa,” ayon kay Kasamang Pratap, tagapagsalita ng Central Regional Bureau ng CPI (Maoist). Ikinural na umano ang buu-buong mga komunidad at hindi pinahihintulutan na makapasok kahit ang mga mamamahayag para mag-alam at mag-imbestiga para sa kanilang pagbabalita.
“Ang reyd ng mga pwersa ng PLGA ay isang militanteng paglaban sa korporatisasyon-militarisasyon ng mga kagubatan na nagdudulot ng malawakang pagpapalayas sa mamamayang Adivasi mula sa kanilang lupa at malubhang pagkawasak sa kalikasan,” ayon kay Kasamang Pratap. Hindi umano ito pahihintulutan ng rebolusyonaryong kilusan ng India at pamalagiang gagawa ng paraan para bigyan sila ng hustisya at dinggin ang kanilang makatarungang panawagan.
Samanatala, pinarangalan ng Central Regional Bureau ng CPI (Maoist) ang tatlong namartir na mga mandirigma ng PLGA sa naturang armadong aksyon.