39-anyos na lalaki, binaril at napatay ng 31st IB

Naglalakad lamang ang 39-taong gulang na si Arnel Esperitu nang pagbabarilin siya ng mga sundalo ng 31st IB noong Hunyo 20, alas-4 ng madaling araw. Nangyari ang krimen malapit sa hinihimpilan ng mga sundalo sa sentro ng Barangay Gogon, Donsol, Sorsogon. Kaagad namatay ang biktima.

Para takasan ang kanilang pananagutan, kaagad na pinuntahan ng mga sundalo ang kaanak ng biktima para takutin at pagbantaan para huwag magsampa ng reklamo.

Matapos ang insidente, nagkampo ang naturang yunit ng 31st IB sa evacuation center ng Barangay Gogon. Nagdagdag pa ito ng tropa sa layuning sindakin ang mga residente at patahimikin sila kaugnay ng nangyaring pagpaslang.

Samantala, nagtambak ng mahigit 60 elemento ng pulis, sundalo at mga tauhan ng lokal na gubyerno sa Barangay Catamlangan, sa bayan ng Pilar noon ding Hunyo 20 sa tabing ng “Peace Caravan.” Plano ng militar na ilunsad ang katulad na mga aktibidad sa iba pang mga barangay ng Pilar at katabi nitong bayan ng Donsol.

Ang mga “Peace Caravan” ay ginagamit ng militar at pulis para sa kampanyang kontra-insurhensya nito kung saan naitala sa nakaraan ang mga kaso ng sapilitang pagpapasuko, pagpaparada sa mga sibilyang magsasaka bilang mga tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan at kung saan kinukunan sila ng litrato para sa dagdag na pondo at iba pang porma ng korapsyon.

Karugtong din ito ng mga Retooled Community Support Program at focused military operation kung saan naitatala ang patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Kabilang sa mga krimen na ito ang pamamaril ng 31st IB sa mga kabataang sina Ace Adiado at Francis Literal ng Barangay Baras, Donsol noong Abril 25 at pagpaslang sa magsasakang si Domingo Malaca ng Barangay Abucay, Pilar noong Mayo 5.

AB: 39-anyos na lalaki, binaril at napatay ng 31st IB