Balita

4 na aktibista at organisador, dinukot ng militar

,

Nanawagan ngayong araw ang grupong Gabriela, Kilusang Mayo Uno (KMU), Desaparecidos, mga kaanak ng apat na aktibista na dinukot noong Mayo at Hunyo na kagyat silang ilitaw ng armadong pwersa ng estado. Iginigiit nila sa rehimeng Marcos II na iharap sa korte ang apat kung mayroong mga kasong nakasampa laban sa kanila. Nanawagan din sila sa Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng kagyat na imbestigasyon at gabay sa paghahanap sa mga biktima.

Pinangalanan ang mga biktima bilang sina Elizabeth ‘Loi’ Magbanua at Alipio ‘Ador’ Juat, parehong organisador ng mga manggagawa na nawawala mula pa Mayo 3 at sina Elgene Mungcal ng Gabriela Women’s Partylist at Ma. Elena ‘Cha’ Cortez Pampoza ng Anakpawis na dinukot noong Hulyo 3.

Sina Magbanua at Juat ay huling nakita sa Barangay Punturin, Valenzuela City matapos dumalo sa isang pulong sa lugar. Matagal na silang aktibong umaagapay sa mga manggagawa hinggil sa kanilang mga karapatan at kapakanan. Ayon sa anak ni Juat, nakontak niya ang kanyang ama noong pangatlong linggo ng Mayo at nakapagsabi pang dinakip siya at si Magbanua ng mga pwersa ng Philippine Navy.

Sa panayam ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU, sa midya kaninang umaga, sinabi niyang si Juat ay “pinauuwi” sa kanilang bahay at muling inaaresto ng kanyang mga “handler” na sundalo sa nagdaang mga buwan. Dito na naikwento ni Juat na inihiwalay sa kanya si Magbanua noong siya’y nakakulong sa Camp Aguinaldo.

Samantala, sina Mungcal at Pampoza, pawang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka, ay huling natunton sa Winfare Supermarket, Moncada, Tarlac. Ayon sa ulat ng mga anak ni Pampoza, nakikita nilang “nababasa” pa sa selpon ng kanilang ina ang mga mensaheng nila sa Viber hanggang Hulyo 5 pero hindi sila nakatatanggap ng anumang sagot.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, ang estado lamang ang may motibong dukutin ang apat sa layuning patahimikin ang mga progresibo at nag-oorganisa sa hanay ng anakpawis.

Kabilang sa humarap sa midya kaninang umaga ang anak ni Cha Pampoza na nagsabing hindi ito ang unang pagkakataon na inatake ang kanilang pamilya. Ayon sa kanya, ang kanyang ama ay isa rin desaparecido. Emosyonal niyang sinabi na sana ay buksan ang mga kampo ng militar at pahintulutan silang halughugin ang mga ito at hanapin ang kanilang nawawalang kaanak.

“Lubos na nakaaalarma ang panunumbalik ng mga kaso ng mga desaparecido at ekstrahudisyal na pag-aresto at pagkulong,” ayon sa KMU. “Bakit sila dinadakip? Dahil ba katuwang sila ng sambayanan sa pakikipaglaban para sa demokratikong karapatan sa trabaho, seguridad sa pagkain, hustisya, at iba pa,” dagdag ng grupo.

Nagsalita rin sa panayam kaninang umaga ang kinatawan ng grupong Desaparecidos kung saan iginiit niyang ilitaw ang lahat ng biktima ng sapilitang pagkawala. Ayon sa kanya, sampu ng lahat ng mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagwawala, dapat ilitaw ang kanilang mga kaanak at bigyan sila ng hustisya. Dagdag niya, dapat mayroong mapanagot sa karumal-dumal na krimen na ito.

AB: 4 na aktibista at organisador, dinukot ng militar