4 na taktikal na opensiba, magkakasunod na inilunsad ng BHB-Masbate
Ilang linggo bago ang paggunita sa ika-56 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 29, apat na taktikal na opensiba ang magkakasunod na inilunsad ng mga yunit ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command) sa prubinsya. Pinagkumbinang operasyong haras, demolisyon at pamamarusa ang isinagawa ng Pulang Hukbo para bigwasan ang pinagsanib na pwersa ng militar, pulis at mga CAFGU.
Noong Marso 24, alas-9 ng gabi, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng CAFGU sa Barangay Manlut-od, Placer. Sa ulat ng mga residente, dalawa ang namatay na pasistang sundalo habang dalawang iba pa ang nasugatan. Para pagtakpan ang kanilang pagkatalo, tanging ang dalawang sundalong nasugatan ang iniulat ng mga ito.
Naglunsad ang Pulang hukbo ng operasyong haras laban sa isa sa mga hedkwarters ng militar sa Barangay Estampar, Cataingan noong Marso 22. Pinaputukan rin ng mga Pulang mandirigma ang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakahimpil sa Barangay San Vicente, Dimasalang noong Marso 15.
Samantala nong Marso 17, nagpataw ng parusa ang BHB-Masbate laban sa isinasagawang konstruksyon sa Barangay Santa Cruz, Placer. Pinaralisa ng yunit ang isang mixer truck dahiil sa paglabag ng proyekto sa mga panuntunan ng rebolusyonaryong kilusan sa Masbate.
“Labis na pinasasalamatan ng Jose Rapsing Command (BHB-Masbate) ang masang Masbatenyo sa malaking ambag nito upang maging matagumpay ang mga ikinasang aksyon,” pahayag ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate. Gayundin, pinagpugayan ng tagapagsalita ang mga Pulang mandirigma na gumampan ng mahahalagang papel upang maisakatuparan ang mga planong taktikal na opensiba laban sa mga bayarang militar, pulis at mga CAFGU.
Pagdidiin ni Ka Luz, ang mga aksyong militar na ito ay bahagi ng pagbibigay hustisya ng hukbong bayan sa higit na tumitinding pasistang paninibasb ng mga pwersa ng estado sa masang Masbatenyo. Aniya, pagpasok palang ng unang kwarto ng taong 2025 ay walang tigil at tuluy-tuloy ang operasyon ng mga sundalo sa buong prubinsya.
Iniulat rin niya ang pagpapailalim sa maraming barangay sa Modified Community Support Sustainment Program (MCSSP) na mga komunidad na dati nang ipinailalim sa Retooled Community Support Program (RCSP). Patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao ang patuloy na ginagawa ng mga sundalo sa mga eryang sinasaklot ng operasyong kontra-insurhensya nito.