4,000 manggagawa ng dayuhang mga pabrika sa Cebu, sinisante

Mahigit 4,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho sa isa na namang serye ng mga tanggalan sa Mactan Export Processing Zones (MEPZ) noong Hulyo 19. Bago nito, mahigit 8,000 na ang sinisante sa loob ng sona ng paggawa noong Setyembre 2022 at Setyembre 2020 sa pagdadahilang “nalulugi” ang mga kumpanya.

Sa ulat ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (AMA Sugbo-KMU), ang mga manggagawang ito ay nasa mga pabrika na nagmamanupaktura ng kasuotan. Napabalitang magsasara na ang Mactan Apparel Inc, at kapatid nitong mga kumpanyang MAI Printing at FIT printing. Ang mga pabrika nito ay nagmamanupaktura ng kasuotan para sa malalaking kumpanyang tulad ng Adidas. Bahagi ang mga kumpanyang ito ng Sports City conglomerate, na sinasabing pinakamalaking employer ng MEPZ.

Ililipat ng kumpanya ang operasyon nito sa ibang bansa kung saan mas mababa pa kumpara sa Pilipinas ang sahod ng mga manggagawa para “makatipid” sa gastos ng produksyon. Ito ay sa kabila ng bilyun-bilyong kinikita ng mga kumpanyang sinusuplayan ng produkto. Noong 2023, kumita ang kumpanyang Adidas ng $23.6 bilyong, mas mataas sa $21.3 bilyong kita nito noong 2021.

“Ginawa lamang palabigasan ang mga manggagawa para sa supertubo ng mga dayuhang kumpanyang ito na direktang namuhunan sa ating basa,” ayon ka Jaime Paglinawan, AMA Sugbo-KMU chairperson. Liban sa Adidas, marami sa mga kumpanya sa garment ang naglilipat ng operasyon sa ibang bansa para magbawas ng gastos sa produksyon.

Aniya, pinanatili ng gubyerno sa Pilipinas na mababa ang sahod ng mga manggagawa para gawing “globally competitive” at maakit ang dayuhang kapitalista na mamuhunan sa bansa. Kasabay ito ng mga ibinibigay na mga insentiba tulad ng mga tax break (hindi pagsingil ng buwis), at iba pang subsidyo laluna sa mga kumpanya sa loob ng mga export processing zone tulad ng MEPZ.

“Isang taon na mula nang maupo ang administrasyong Marcos Jr pero nananatili siyang inutil sa pagharap sa mga problema sa paggawa,” ayon kay Paglinawan.

Sa kasalukuyan, nasa ₱435 lamang ang minimum na sahod sa Central Visayas (Region 7) para mga manggagawa sa mga empresang hindi agrikultural habang ₱394 ang para sa agrikultural. Hindi pa dinidinig ang petisyon ng mga manggagawa na dagdag ₱100 sa Metro Cebu at Bohol. Sa kalkulasyon ng Ibon Foundation, nasa ₱1,228 ang nakabubuhay na sahod para sa isang lima-ka-taong pamilya sa rehiyon noong Mayo.

“Nagtitiis ang mga manggagawa sa di nakabubuhay na sahod, di ligtas na kundisyon sa paggawa, at kawalang katiyakan sa trabaho dulot ng (patakaran) ng gubyerno na kontraktwalisasyon,” ayon kay Paglinawan. “(Ito) ang nagpadali sa malawakang tanggalan sa MEPZ.”

AB: 4,000 manggagawa ng dayuhang mga pabrika sa Cebu, sinisante