5 sundalo ng 2nd IB, napaslang sa engkwentro sa BHB-Masbate

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi bababa sa limang sundalo ng 2nd IB ang napaslang sa engkwentro ng yunit nito sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) noong Mayo 23 sa Barangay Lague-lague, bayan ng Cawayan. Ang nakasagupang yunit ng BHB ay nasa lugar para alamin ang kalagayan ng masa at kinahaharap nilang mga suliranin. Ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma.

Sa isang pahayag, ipinaabot ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate, ang pakikiramay ng hukbong bayan sa naulilang pamilya at kaanak ng mga tropa ng 2nd IB. Aniya, “sila ang pinagbabayad sa gerang sina Marcos Jr, Governor Kho at matataas na upisyal ng AFP-PNP lamang ang nakikinabang.”

Naniniwala si Ka Luz na marami sa mga sundalo ng AFP ay nalinlang lamang ng mataas na sweldo. Katunayan, marami sa mga sundalong ito ay natatakot pumasok sa sonang gerilya at maghanap ng yunit ng BHB, aniya. Sapilitan umanong pinagagamit ng ipinagbabawal na droga ang ordinaryong kawal para lamang makapag-operasyon at maging mga asong ulol na tumugis sa hukbong bayan at pumaslang ng mga sibilyan.

Dahil sa mga krimen laban sa masang Masbatenyo, “isinusuka [ng mamamayan] ang AFP-PNP-CAFGU bilang mga berdugo, mamamatay-tao at bayarang armado ng mga pinakagahaman at pinakahayok sa kapangyarihan,” ayon kay Ka Luz.

Sa huli, hinimok niya ang ordinaryong mga sundalo at pulis, na marami mula sa hanay ng masang anakpawis, na lisanin na ang kanilang pinagsisilbihang bulok na institusyon. “Hindi niyo kaya ang sakripisyo at hindi kayo handang mamatay para sa sweldong pwede namang kitain sa marangal at sibilyang pamamaraan. Dapat isipin ninyo ang inyong mga pamilya bago mahuli ang lahat,” dagdag pa niya.

AB: 5 sundalo ng 2nd IB, napaslang sa engkwentro sa BHB-Masbate