Balita

57IB na gwardya ng DMCI, pinarusahan ng BHB-Sultan Kudarat

,

Ikinatuwa ng mga Lumad at Moro ang pagpaparusa ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa mga pwersa ng 57th IB na dumepedensa sa mga negosyo ng D.M. Consunji Inc.

Ayon kay Gary Angeles, tagapagsalita ng BHB-FSMR (Valentin Palamine Command), bandang alas 2:00 ng hapon ng Mayo 14 ay tinambangan ng mga operatiba ng BHB-Sultan Kudarat ang mga sundalo ng 57th IB na nakasakay sa isang siksbay. Pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ng command detonated explosive ang sasakyan habang dumadaan sa masukal na bahagi ng Purok Dulangan, Km 18, Bgry. Salangsang sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat. Tatlong sundalo ang agad na namatay habang apat ang nasugatan.

Naganap sa loob mismo ng eryang saklaw ng konsesyon ng kumpanya. Isang malinaw ito na mensaheng patuloy nilang lalabanan ang panghihimasok sa kanilang lupang ninuno. Naniniwala ang mga masang Dulangan na ang pagpapalakas sa presensya ng militar sa kanilang lugar ay nauugnay sa pagbabalik-operasyon ng mga negosyong pagtotroso at agibisnes ni Consunji. Kamakailan lamang ay inalmahan nila ang isinasagawang konstruksyon ng mga logging road sa loob ng kanilang mga komunidad.

Isang malaking hamon sa mamamayang Lumad na Dulangan-Manobo at Moro sa Lebak ang pagkakaluklok bilang pangulo ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Matagal na panahon na nilang ipinagtatanggol ang lupang ninuno at tinututulan ang operasyon ng pamilyang Consunji, isa sa mga kroni ng diktadurang Marcos. Iginawad ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang Timber License Agreement (TLI) sa ama ng pamilya na si David Consunji.

Ang TLA ay sumasaklaw sa 150,000 ektaryang lupain ng mga Lumad sa kabundukan ng Daguma Range. Sa ilalim ng batas militar ay walang habas na pandarahas at pagmasaker ang isinagawa ng mga armadong goons ng mga Consunji laban sa mga Lumad at magsasakang setler upang alisin ang mga balakid para sa kanilang tuluy-tuloy na opersayon. Ang panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan ay magbibigay ng malaking pagkakataon sa mga Consunji para ibayong palawigin ang kanilang kontrol at tuluyang kamkamin ang lupain ng mga katutubong Lumad na matagal na nilang inaangkin.

Limang taon nang nabigong makapagpatuloy ang pagtotroso ng M&S Company-DMCI matapos itong napahinto ng armadong rebolusyonaryong kilusan at malawakang pagtututol ng mamamayang Lumad at mga magsasakang setler. Hindi rin nakausad ang matagal nang nakabinbin na mga proyektong pagmimina nito sa kabukiran ng Daguma. Ito ay sa kabila ng todo suportang militar ng tiranikong rehimeng Duterte na naging sandigan ng DMCI sa pagtatangka nitong pangibabawan ang paglaban ng mamamayan.

Hindi rin nakaligtas sa hagupit ng NTF-ELCAC ang mamamayan sa Lebac. Nakaranas ang mga residente rito ng mga pagbabanta, panggigipit at sapilitang pagpapasurender. Kasabwat ang NCIP at upisina ng IPMR, tinangka nitong linlangin ang mga Lumad na pumaloob sa umano’y mga programa at proyektong pangkabuhayan ng mga komunidad na mahigpit na nakaugnay sa mga proyekto at operasyon ng mga Consunji. Liban sa pangangamkam ng lupa, nais pa nitong pigain ang lakas-paggawa ng mga Lumad sa pamamagitan ng pag-empleyo sa kanila kapalit ng napakababang sahod.

AB: 57IB na gwardya ng DMCI, pinarusahan ng BHB-Sultan Kudarat