6-buwang sanggol, pinaslang ng mga pwersa ng estado sa India
Kinundena ng Forum Against Corporatization and Militarization (Facam), grupo sa India, ang pagpaslang ng mga pwersa ng reaksyunaryong estado ng India sa isang 6-buwang sanggol sa Mutvendi, distrito ng Bijapur, estado ng Chhattisgarh noong Enero 1. Ayon sa ulat, pinalalabas ng mga pwersa ng estado na nagkaroon ng “engkwentro” sa mga gerilyang Maoista nang mapaslang ang bata, bagay na pinasinungalingan ng mga residente.
Ayon sa pahayag ng Facam, nagpapasuso si Massi Vadde sa kanyang 6-buwang sanggol nang biglang mamaril ang mga pwersang panseguridad ng India sa magubat na bahagi ng Mutvendi. Tumagos sa kamay ni Massi Vadde ang bala na tumama at pumatay sa kanyang sanggol.
Giit ng ama ng sanggol, walang katotohanan ang sinasabi ng mga pulis na nagkaroon ng engkwentro sa kanilang komunidad. Ito rin ang pare-parehong pahayag ng mga residente ng komunidad, ayon sa Facam.
Sinabi rin ng Communist Party of India (Maoist) West Bastar Division sa isang pahayag sa midya sa India na wala itong nakaengkwentrong yunit sa naturang komunidad. Ayon sa kalihim ng dibisyon ng CPI (Maoist) na si Mohan, inatake ang komunidad dahil sa kanilang pagtutol sa militarisasyon at pagpasok ng mga korporasyon sa kanilang lugar.
Kasuklam-suklam na tatlong araw pa lamang ang bagong-tayong kampo ng mga pulis sa Kavadgaon (malapit sa Mutvandi) ay pumatay na sila ng isang sanggol, ani Mohan. Isa ang kampo ng mga pulis dito sa tatlong kampong itinayo sa distrito ng Bijapur noong Disyembre 2023. Nagtayo rin ng mga kampo sa Palnar at Dumriparalnar.
Ang pagtatayo ng mga kampo ay sabwatan sa pagitan ng mga korporasyon at ng Brahmanical Hindutva na pasistang gubyerno para gawing isang malaking kampo ng pulis ang distrito ng Bijapur at palayasin ang mga lokal na residente.
Kasalukuyang nagtatayo ng daan sa pagitan ng Kavadgoan at Mutvandi na sasagasa sa mga sakahan, kagubatan at lupaing pag-aari at pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente.
“Itinatayo ang mga kampo ng pulis, tulay at daanan sa lupa ng mga katutubo nang walang pahintulot ng mga residente o pagsasagawa ng mga gram sabha (asembleya ng mga lokal),” ayon pa kay Mohan.
Walang-tigil na panggigipit naman ang kinahaharap ng grupong Moolwasi Bachao Manch, namumuno sa 35 kilusan laban sa pagtatayo ng mga kampo, malalaking daan, pekeng engkwentro at iba pa, mula sa mga pwersa ng estado ng India. Ayon sa Facam, “marami sa mga lider ng mga kilusang ito ang inaaresto sa pagdadahilan na sila ay mga Naxalite (katawagan sa mga Maoista sa India) para supilin ang kanilang demokratikong kilusan laban sa pangangamkam ng lupa at pagwasak sa Jal-Jungle-Jameen (Tubig-Gubat-Lupa).”
Samantala, ibinalita ng Facam na inilibing na ng kaanak ang 6-buwang sanggol noong Enero 6.