Balita

6 sundalo, patay sa ambus ng BHB sa Himamaylan City

Anim na mga sundalo ng 94th IB sa ilalim ng 303rd IBde ng Philippine Army ang napatay sa isang ambus na inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Sityo Sig-ang, Barangay Carabalan, Himamaylan City noong umaga ng Oktubre 6, 2022.

Gabi pa lamang ng Oktubre 5 ay nakatanggap na ng impormasyon ang isang yunit ng Mount Cansermon Command ng South Central Negros-BHB na nagmamaniobra ang mga sundalo ng 94th IB patungong Sityo Sig-ang.

Bunsod nito, naghanda ng kontra-opensiba ang mga Pulang mandirigma ng BHB. Kaya bandang alas-6 ng umaga noong Oktubre 6 ay tinambangan nila ang nag-ooperasyong mga pasistang tropa ng 94th IB.

Para maitago sa mga residente ang kanilang mga kaswalti, kinordon ng militar ang Sityo Sig-ang at Sityo Medel.

Nagtayo ng tsekpoynt ang militar sa Sityo Medel at kinanyon ang kabundukan ng pitong beses. Inistraping din nila ang mga ilog at mga tubuhan. Hinuli ang ilang manggagawa sa tubuhan at kanilang pinahirapan habang iniimbestiga.

Kasabay nito, nagpalabas ang militar ng mga pekeng balita sa social media na nagkaroon umano ng sunud-sunod na mga engkwentro na nagbunsod ng kaguluhan at kalituhan sa mamamayan. Sa ngayon, umaabot na sa 1,767 residente ang mga nagbakwit sa sentro ng Barangay Carabalan.

Ayon sa pahayag ng Armando Gatmaitan Command ng Negros Regional Command, malinaw kung bakit nagtatagal ang mga operasyon ng militar sa bulubunduking barangay ng Himamaylan City, Negros Occidental at sa hangganan nito sa Tayasan, Negros Oriental. Ito ay dahil may malaking interes ang mga burgesyang kumprador dito sa pagmimina, pagtotroso, quarry at agribisnes.

AB: 6 sundalo, patay sa ambus ng BHB sa Himamaylan City