Balita

62.4 ektaryang lupa, nakamit ng mga magsasaka ng Tinang

Matapos igiit ng mga magsasaka, naglabas ng atas ang Department of Agrarian Reform (DAR) noong Abril 26 para ipamahagi na ang 62.3 ektaryang lupa sa 90 magsasaka bilang agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac. Ayon sa grupong Malayang Kilusang Samahang Magsasaka ng Tinang (MAKISAMA-Tinang), “walang karapatan ang nakakamit nang hindi ipinaglalaban!”

Ayon sa Makisama-Tinang, “ang laban sa lupa ay ipinapanalo hindi lamang ng laban sa papel sa mga ahensya at mga korte kundi higit lalo ipinapanalo sa piketline, sa sama-samang pagkilos ng mga magsasaka, sa pagtataguyod ng bungkalan.”

Nagbigay-pugay ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang Makisama-Tinang sa naging tagumpay ng kanilang laban. Ang atas ng DAR ay nagpapatunay umano ng pagkilala sa mga kasapi ng Makisama-Tinang bilang mga lehitimong benepisyaryo ng reporma sa agraryo. Ani ni Ariel ‘Ka Ayik’ Casilao, tumatayong tagapangulo ng UMA, “umaasa kaming padadaliin ng DAR ang proseso ng segregasyon para ma-install na ang mga benepisyaryo ng lupa.”

Nanawagan din ang UMA at Makisama-Tinang na ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa Tinang 83, mga magsasaka at tagasuportang inaresto at sinampahan ng kaso matapos maglunsad ng bungkalan noong Hunyo 9.

Paliwanag pa ng UMA, patunay ang paggigiit ng Makisama-Tinang sa kanilang lakas at magsisilbing inspirasyon sa mga magsasaka sa buong bansa para makibaka laban sa monopolyo sa lupa at pangangamkam ng mga panginoong maylupa at korporasyon.

Ang kaso ng Hacienda Tinang

Ang Hacienda Tinang ay binubuo ng 1,200 ektaryang tubuhan na orihinal na pag-aari ng pamilyang Aquino. Ang 200 ektaryang lupa na bahagi nito, na dapat ay ipailalim sa reporma sa lupa, ay ibinenta ng pamilya sa isang pribadong kumpanya. Ibinenta ng naturang kumpanya ang lupa pabalik sa Department of Agrarian Reform (DAR). Noong September 26, 1995, naglabas ang ahensya ng listahan ng 236 na magiging benepisyaryo ng lupa ng asyenda.

Ayon sa Makisama-Tinang, 22 taong sadyang inilihim ng pamilyang Villanueva ang mga papeles na nagsasaad na kolektibong pagmamay-ari ng mga magsasaka sa lupa. Taong 2016 na nalaman ng mga magsasaka na benepisyaryo sila ng asyenda. Sa taon ding iyon, nagpetisyon sila sa DAR para ayusin ang paghahati ng lupa sa mga benepisyaryo. Naglabas ang ahensya ng pinal na kautusan noong 2018 at 2019.

Naipagkait ng mga Villanueva sa mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa dahil hawak nito ang lokal na konseho sa barangay. Noong 1995, kapitan ng Barangay Tinang si Vernon Villanueva. Bilang kapitan, makapangyarihang myembro siya ng Barangay Agrarian Reform Council na nagtitiyak sa listahan ng mga benepisyaryo. Ang kanyang kapatid na si Jojo ang namamahala ng kooperatiba ng mga magsasaka na bahagi ng 200-ektaryang naisailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP. Sa ngayon, kapitan ng barangay Tinang ang anak niyang si Norman Villanueva habang siya ay nakaupong konsehal ng Concepcion.

Ayon sa Makisama-Tinang, malaki ang papel ng mga Villanueva sa pagpigil sa kanilang pagbawi sa lupa laluna matapos manalong meyor sa nagdaang eleksyon ang kapatid nilang si Noel Villanueva.

Nagtataka rin ang mga magbubukid kung bakit kahit may pinal nang kautusan ay pinayagan pa rin ng DAR na magpetisyon ang kooperatibang pinatatakbo ng mga Villanueva noong Abril 2021. Dahil dito, muling isinalang sa balidasyon ang listahan ng mga benepisyaryo.

Simula noong Hunyo 2022 ay muling inilunsad ng Makisama-Tinang ang kanilang kampanya para matamo ang lupa na para sa kanila.

AB: 62.4 ektaryang lupa, nakamit ng mga magsasaka ng Tinang