68-anyos tagapagtanggol ng kalikasan, nakalaya na
Nakalaya na ngayong araw, Agosto 10, si Daisy Macapanpan, 68-anyos na tagapagtanggol ng kalikasan, matapos ikulong ng dalawang buwan sa gawa-gawang kasong rebelyon. Matatandaang marahas na inaresto ng malaking pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Special Action Force (SAF) si Macapanpan sa kanyang bahay sa Pakil, Laguna noong Hunyo 11.
Ang pansamantalang paglaya ni Macapanpan sa pamamagitan ng pagpapyansa kaninang umaga ay inianunsyo ng grupong Free Daisy Macapanpan Network na tumutok sa kampanya at pangangalampag sa estado para kagyat siyang palayain.
Idinadawit si Macapanpan sa kasong rebelyon na isinampa noon pang 2008 na nakapangalan sa isang “Tian/Tiyang/Tyang.” Ginigipit si Macapanpan ng estado dahil sa pagtutol sa planong Ahunan Hydropowerplant Project sa bayan ng Pakil.
Ang naturang 1,400-megawatt pump-storage hydropowerplant ay tinatayang sasakop sa 299.4 ektaryang lupa sa mga barangay ng Baño, Burgos, Rizal at Taft sa Pakil. Ang planta ay itatayo sa Sierra Madre, isang lugar na may aktibong mga fault line at may panganib ng pagguho ng lupa.
Giit ng mga tagasuporta ni Macapanpan na kagyat nang ibasura ang kasong isinampa sa kanya.