7 martir ng BHB-Panay, pinarangalan
Pinagpugayan at kinilala ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan (BHB), at buong rebolusyonaryong kilusan at masa sa isla ng Panay ang pitong Pulang hukbo na namartir sa serye ng mga depensibang aksyon noong Agosto 5 hanggang 8. Naganap ang mga engkwentro sa Barangay Cabatangan, Lambunao at Barangay Aglonok, Calinog sa Iloilo.
Ang mga nabuwal na Pulang mandirigma ay nagmula sa iba’t ibang henerasyon ng mga manggagawa, magsasaka at kabataang estudyante. Kinilala ang mga namartir bilang sina Benjamin Cortel (Mamang/Ruby) na nabuwal sa Barangay Aglonok noong Agosto 5, Jose Jerry Takaisan (Miller) na namartir sa Barangay Cabatangan noong Agosto 7 at sina Romulo Ituriaga Gangoso (Pedik/Regan), Armando Rogelio Sabares (Nene/Kulot), Aurelio “Boy” Bosque (Rio/Zarko/Baijan), Jovelyn Silverio (Akay/Purang), at Jielmor Gauranoc (Tango/Doc) na nabuwal sa Barangay Aglonok noong Agosto 8.
“Hindi maitago at mapigilan ang sakit ng damdamin, sigaw para sa hustisya at galit sa brutal na pagpaslang sa kanila,” pahayag ng BHB-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr. Command).
Naganap ang magkakasunod na mga labanan sa harap ng pinatindi at pinalupit na mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa hangganan ng Janiuay, Lambunao at Calinog sa Iloilo, Valderama sa Antique at Libacao sa Aklan. Ang mga lugar na ito ay matagal nang ipinaiilalim sa focused military operation kung saan ibinubuhos ang napakaraming pwersang CAFGU, mga pulis at militar na 12th IB, 82nd IB, 61st IB at DRC sa ilalim ng 3rd ID.
“Sa kabila nito, matapang na hinarap ng mga namartir ang kaaway at mahigpit na tinanganan ang rebolusyonaryong paninindigan sa paghawak sa armas hanggang sa kanilang huling hininga,” pahayag ng BHB-Central Panay. Dagdag pa ng yunit, ang pagkabuwal ng kanilang mga mandirigma ay mitsa ng patuloy na pag-apoy at pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka para sa pambansang paglaya at tunay na kalayaan.
Pagdidiin ng yunit, hangga’t hindi natutugunan ang mga ugat ng paghihirap at pang-aalipin sa ilalim ng mapang-api at mapagsamantalang sistema na pinamamahalaan ng mga naghaharing uri, magpapatuloy na buhay ang kanilang ipinaglaban. “Magpapatuloy ang pagtahak ng masang anakpawis sa landas ng armadong pakikibaka,” ayon pa sa BHB-Central Panay.
Posibleng paglabag sa IHL
Ipinahayag naman ng mga kaanak ng mga namartir na Pulang mandirigma ang kanilang pag-aalala sa posibleng paglapastangan sa karapatang-tao at paglabag sa internasyunal na makataong batas sa pagpatay sa pito. Ayon sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Panay at Panay Alliance Karapatan, napansin ng mga pamilya ang kakaibang mga marka sa mga bangkay ng mga namartir na Pulang mandirigma.
“Napansin ng mga pamilya ang iba’t ibang tipo ng mga sugat, kabilang ang malalaki at maliliit na butas sa dibdib, bali-baling mga braso, at labis-labis na mga pasa mula sa ulo hanggang paa. Ang mga sugat na ito ay mahigpit na nagpapakita ng posibleng ipinailalim sa matinding pasakit at torytur ang mga biktima bago sila pinatay,” anang pahayag.
Binatikos din ng grupo ang panggigipit at sadyang pag-antala ng militar sa pagbibigay ng bangkay ng mga biktima sa mga pamilya. Pinilit pa ng mga sundalo ang mga ito na pumirma sa mga dokumento na nagsasaad na hindi sila magsasampa ng mga kaso. Pinuntahan pa ng mga sundalo ang bahay ng mga ito.
“Mahigpit na naniniwala ang Bayan-Panay na sinusubukan ng militar na pagtakpan ang katotohanan kaugnay ng mga engkwentro. Nakikita namin na ang mga hakbang na ito ay kalkuladong pagsisikap para kontrolin ang tugon ng mga pamilya at supilin ang kahit anong potensyal na ligal na paglaban,” anang grupo.
Panata ng PKP at BHB ang hustisya para sa mga namartir. “Pinapanagot namin si Marcos mismo, at ang mga upisyal ng AFP,” ayon kay Ka Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido. Sa tala ng PKP, mayroon nang 68 hors de combat o mga mandirigmang walang kakahayang lumaban ang sadyang pinaslang ng rehimeng Marcos.
“Ang Partido ay determinadong kamtin ang hustisya para sa lahat ng biktima at ipinapanatang tiyakin na si Marcos at ang kanyang pasistang pangkatin ay mapananagot sa kanilang mga krimen sa digmaan sa harap man ng mga hukumang bayan o naaangkop na mga internasyunal na tribunal,” pahayag pa ni Valbuena.