Mga progresibong grupo, muling nagprotesta sa Senado laban sa burukrata-kapitalismo
Muling naglunsad ng protesta ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Senado sa Pasay City noong Hunyo 1. Panawagan nilang panagutin at ikulong ang lahat ng mga sangkot sa korapsyon sa gubyerno. Binatikos nila ang balyahan ng mga senador sa pangunguna ng maka-Duterteng pangkatin.
Kinundena ng grupo ang mga pagtatangka ng mga senador na protektahan si Bise Presidente Sara Duterte mula sa paglilitis sa impeachment, pagkanlong sa puganteng berdugo na si Sen. Bato dela Rosa at pagtatanggol sa kurakot na mga senador. Partikular na binatikos ng grupo ang pagsasabwatan ng mga senador ng pangkating mayorya na baguhin ang mga alituntunin sa Senado para sa sariling ganansya.
“Isa itong walang-kahiya-hiyang hakbang upang bigyang daan ang kawalan ng pananagutan at gawing sangtwaryo ang Senado para sa mga korap nitong myembro at mga paulit-ulit na lumalabag sa karapatang-tao,” pahayag ng grupo. Binabalewala umano ng mga senador ang panawagan ng mamamayan para sa katotohanan, pananagutan at hustisya.
Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), punung-puno na ang manggagawang Pilipino sa garapalang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga senador at matataas na upisyal ng gubyerno at sa burukrata-kapitalistang sistema. Anito, ang bulok na sistemang ito ay pinangungunahan mismo ni Ferdinand Marcos Jr.
Pinatatakbo ni Marcos ang gubyerno bilang isang malaking negosyo, at pinapatakas ang mga kriminal sa pwesto. “Siya ang hari ng mga kurakot at mamamatay-tao,” pagdidiin nito.
Ayon sa KMU, pangungunahan nito ang tuluy-tuloy na pagkilos ng manggagawa’t mamamayan hanggang mapanagot ang lahat ng sangkot sa pagpapahirap sa taumbayan. “At hanggang ganap na mabagsak ang burukrata-kapitalistang sistema,” pagtatapos nito.