80 manggagawa, tatanggalin sa pagbebenta ng SkyCable sa PLDT
Hindi bababa sa 80 manggagawa ng SkyCable Corporation ang tatanggalin sa trabaho sa darating na Pebrero 26 matapos maisapinal ng pamunuan ng kumpanya ang pagbebenta nito sa kumpanyang PLDT ni Manny V. Pangilinan. Ang SkyCable ay pag-aari ng mga Lopez. Tatanggalin ang mga manggagawa sa pagdadahilang “redundancy.”
Binatikos ng SkyCable Supervisors, Profesional/Technical Employees Union (SSPTEU) ang tinawag nitong iligal na tanggalan sa mga manggagawa. Sa ulat ng unyon, mahigit 20 sa hanay ng mga superbisor, kabilang ang apat na upisyal ng unyon ang tatanggalin.
Anang unyon, “walang pagsangguning ginawa ang maneydsment sa unyon sa tanggalang ito.” Binatikos ng unyon ang kumpanya dahil sa tinawag nitong malinaw na pagbalewala sa patakarang nakasaad sa pinirmahan nitong Collective Bargaining Agreement (CBA) ukol sa pagbabawas ng tao sa ganitong mga pagkakataon.
Giit nila, tuwiran itong pagsasaisantabi sa mga karapatan ng unyon at empleyado sa katiyakan sa trabaho. “Inuna nila ang pansariling interes sa kapital kaysa sa kapakanan ng mga apektadong empleyado at mga pamilya nito,” pahayag pa nito. Liban dito, kinundena nila ang taktikang ito ng “union busting” o pagbuwag sa unyon dahil sa maramihang pagtatanggal sa mga unyonisadong manggagawa.
Nauna nang ipinabatid ng kumpanya ang posibleng pagbebenta nito sa PLDT noong pang Marso 2023. Kaugnay nito, nagpulong ang 10 unyon mula sa mga sangay ng SkyCable sa Metro Manila, ibang parte ng Luzon, at Mindanao noong parehong buwan.
Nagpaabot ng pakikiisa ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) sa laban ng unyon at mga manggagawa ng SkyCable. Giit ng grupo, dapat kunin ng PLDT ang mga manggagawa at kilalanin ang karapatan nila sa katiyakan sa trabaho.
Ayon sa mga ulat, nabili ng PLDT ang SkyCable sa halagang ₱6.75 bilyon. Nagsimula ang operasyon ng kumpanay noong 1991. Inaprubahan ang bilihan ng Philippine Competition Commission (PCC).