Aerial strikes ng US at UK sa Yemen, kinundena ng ILPS-US
Mariing kinundena ng International League of Peoples’ Strugles-US ang pag-atake ng imperyalismong US at kasapakat nitong United Kingdom sa bansa at mamamayang Yemen.
“Naninindigan kami para sa karapatan ng mamamayang Yemeni, hindi lamang para depensahan ang kanilang lupa, kundi pati sa kanilang karapatan na tulungan ang mamamayang Palestino, na pareho nilang nagtatanggol sa kanilang lupa,” ayon sa pahayag ng ILPS-US noong Enero 13.
Gamit ang mga eroplanong pandigma at kanyon na nakalagay sa mga warship, binomba ng US ang 60 target sa 16 lugar noong Enero 11. Ayon sa ILPS, nagsimula ang pag-atake ng US nang paputukan nito ang mga barkong Yemeni sa Red Sea na inakusahan nitong “nangho-hostage” ng mga komersyal na barko sa Bab al-Mandab Strait na matatagpuan sa hilagang bahagi ng naturang karagatan. Pinabulaanan ito ng gubyernong Yemeni, sa pagsabing tinatarget lamang nito ang mga barkong papunta sa Zionistang Israel bilang ambag sa pagpinsala sa war machine nito at ambag sa pakikibakang Palestino.
“Walang pinsalang dala ang mga hakbang ng Yemen sa mamamayan o ari-arian, habang ang mga pambobomba ng US ay pumatay na ng 15 katao at nangwasak ng imprastruktura,” ayon sa grupo.
Gayundin, nagdulot ang mga pambobombang ito ng malawakang pagkaalarma sa buong bansa na malaon nang lugmok sa pinakamalalang makataong krisis sa buong mundo dulot ng walang awat na pambobomba rito ng US, Saudi Arabia at United Arab Emirates mula pa 2014. Ayon sa United Nations, umaabot sa 21 milyong Yemeni o 2/3 ng populasyon ang nakaasa sa makataong ayuda para mabuhay.