AFP, muling nambomba sa Bukidnon
Muli na namang nagsagawa ng pag-iistraping at pambobomba ang Armed Forces of the Philippines na yumanig sa mga sibilyang komunidad sa Bukidnon. Iniulat ng Bagong Hukbong Bayan-Bukidnon na nagpakawala ng mga rocket at bala mula sa ere ang 8th IB sa Purok 8, St, Peter, Malaybalay City noong Nobyembre 16.
Isinagawa ang pambobomba matapos dalawang beses makasagupa ng 8th IB ang yunit ng BHB sa naturang barangay noong Nobyembre 15, alas-kwatro ng hapon. Kinaumagahan, nabigwasan ng BHB ang mga nag-ooperasyong mga sundalo. Dalawang sundalo ang tinatayang napatay sa mga insidenteng ito.
Bandang alas-7:20 ng umaga ng Nobyembre 16, sinalakay ng mga helikopter ng AFP ang St. Peter. Nagpakawala ng walong rocket at limang beses na nang-istraping ang helikopter na MD520. Umabot sa 40 minuto ang unang ronda. Nagkaroon ng pangalawang ronda ng pambobomba mula 9:25 hanggang 9:35 ng umaga kung saan walong rocket ang pinakawalan at tatlong beses nang-istraping ang helikopter ng AFP.
Matinding takot ang idinulot ng mga pambobomba sa mga residente ng St. Peter at kalapit na mga barangay, laluna sa mga magsasakang nasa kanilang mga sakahan. Nagkandarapa sila sa pagtakbo dahil napakalapit sa kanilang komunidad ibinagsak ang mga bomba. Nagsidapa ang mga titser at mga estudyante sa kanilang mga klasrum habang paikot-ikot ang mga helikopter sa taas ng kanilang baryo.
Walang tinamaan na Pulang mandirigma sa serye ng mga pambobomba.