Pekeng engkwentro sa Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya
Walang habas na naghulog ng bomba at nagpaputok ang attack helicopter ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bayan ng Alfonso Castañeda kaninang 12:30AM hanggang 1:45 AM. Walong beses o higit pa ang ginawang pagbobomba habang sunud-sunod ang pagpapaputok ng dalawang attack helicopter na may kasama pang mga drones.
Walang labanan na nangyari. Palabas lamang ito ng AFP para muli na namang i-militarisa ang lugar para magbigay daan sa mas mabilis na pagpapatupad ng mapangwasak na proyekto ng estado kabilang ang APECO, pagtatayo ng military industrial hub, at paghuthot sa mga natural na rekurso ng Benham Rise.
Ang Alfonso Castañeda ay katabing bayan ng probinsya ng Aurora. Tiyak na palilitawin na naman ito ng AFP na bahagi ng kanilang pursuit operation at “civilian tip”. Kasinungalingan ang inilulubid ng estado upang itulak ang interes ng dayuhan at naghaharing uri.