Aktibistang dinukot ng AFP sa Tabuk, natagpuan na
Bigo ang tangkang pagwawala ng reaksyunaryong estado kay Stephen “Steve” Tauli, beteranong aktibista sa Cordillera at kasapi ng regional council ng Cordillera Peoples Alliance.
Naiulat noong Agosto 20 ng gabi ang pagdukot sa kanya ng limang armadong lalaki sa isang tindahan sa Ag-a Road, Appas, Tabuk City. Ilang metro lamang ang layo nito sa upisina ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) sa Kalinga. Sinalakay din ng naturang mga lalaki ang upisina ng CPA.
Naging mabilis at malawakan ang paghahanap kay Tauli ng kanyang mga kamag-anak, kaibigan at kasama sa CPA. Natagpuan nila si Steve kinabukasan (gabi ng Agosto 21) na may trauma sa nangyari sa kanya. Sa huling balita, isasalaysay ni Steve ang buong pangyayari matapos siya makapagpahinga.
Si Tauli ay isa sa mga lumalaban sa proyektong dam sa rehiyon kabilang na ang Chico Dam at 49 MW Saltan D at MW Saltan E Dam sa Saltan River. Siya rin ang organisador ng Timpuyog ti Mannalon ti Kalinga.
Bago ang insidente, biktima si Tauli ng walang habas na panreredtag, sarbeylans at pandarahas ng NTF-Elcac at AFP. Kasama niyang ginigipit ang kanyang asawang si Jill Carino, na pangalawang tagapangulo ng CPA.