Aktibistang duktor, arbitraryong inaresto sa San Juan
Inaresto ng mga elemento ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines si Dra. Ma. Natividad Castro ngayong araw, Pebrero 18, sa tahanan ng kanyang pamilya sa San Juan City.
Si Dra. Castro ay isang manggagawang pangkalusugan na tumulong sa pagtatayo ng mga community health center at mga programang pangkalusugan sa Mindanao. Nanguna rin siya sa ilan sa mga fact-finding mission at katuwang ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa rehiyon. Nagsilbi siyang pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Caraga sa loob ng mahabang panahon. Mariing kinundena ng Karapatan, mga demokratikong organisasyon at mga nakakikilala sa kanya ang arbitraryong pang-aaresto.
Nagtapos si Dr. Castro bilang valedictorian sa St. Scholastica College sa Maynila noong 1984 at cum laude sa University of the Philippines-Manila noong 1992.
Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso na kidnapping at illegal detention at idinadawit sa nangyaring opensiba ng Bagong Hukbong Bayan sa sa Sibagat, Agusan del Sur noong December 29, 2018. Pinalalabas ng PNP at AFP na kasapi siya ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas at tagapangulo ng National Health Bureau nito.
Sa isang pahayag na inilabas ng Free Legal Assistance Group (FLAG), tumatayong abugado ni Dr. Castro, sinabi nitong inilipad na ng mga pulis si Dr. Castro tungong Butuan City ngunit hindi siya nasilayan ng kanyang mga kamag-anak ni minsan matapos arestuhin.
“Ang mga rekwes para sa kopya ng warrant of arrest, ulat at mga dokumento kagunay ng pag-aresto at pagbyahe ni Dr. Castro ay hindi rin pinagbigyan,” dagdag ng FLAG.
Hindi pa rin kinukumpirma ng mga pulis na dumakip sa kanya kung nasaan si Dr. Castro sa kasalukuyan. Ayon sa FLAG, dapat nang kumpirmahin ng PNP at hepe nito ang lokasyon ni Dr. Castro, gayundin ay mabigyan siya ng akses sa medikal dahil mayroon siyang mga iniindang karamdaman.
Naglabas naman ng mga pahayag ang mga kasamahan sa propesyon ni Dr. Castro, kabilang ang UP Manila College of Medicine Class 1995, na mga kaklase niya, ng mga panawagan na kagyat siyang palayain at ibasura ang mga gawa-gawang kasong isinampa sa kanya ng etado. (Updated: 11:08AM, February 19, 2022)